KUMUSTA po kayo? Noong huli, tinalakay natin ang apat na bagay na puwede nating gawin upang manatiling positibo ang ating pananaw sa bawat araw. I hope you were able to grab a copy dahil sigurado akong makatutulong ‘yun sa inyo.
Ang sitwasyon natin ngayon ay maaaring hindi umaayon sa ating mga kagustuhan, subalit patuloy akong umaasa na sa kabila ng lahat ng ito ay nananatili ang pag-asa sa ating mga puso na hindi tayo pababayaan ng Diyos kailanman, lalo na at wala naman tayong ibang kakapitan, tanging Siya lamang, tanging Siya lamang ang mananatiling nandiyan at magmamahal sa atin nang buong buo, kahit ano ang mangyari. Kaya ang pinakamaiging desisyon pa rin sa buhay, ay yaong manatili po tayong nakadepende sa Kanya sa gitna ng lahat ng pagsubok na ating kinakaharap.
Sa ating buhay, lalo na sa pagtatrabaho at pagnenegosyo, huwag tayong magtatampo sa Diyos kung may mga bagay na gustong-gusto natin pero wala sa atin, o kaya naman, ay magalit sa Diyos kasi ang ating pakiramdam, hindi Niya dinirinig ang ating mga panalangin, hindi po totoo ‘yun, nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay- nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan.
At sa gitna ng katotohanang iyan, kailangan nating maunawaan ang nakasaad sa Bible kung saan ay sinasabi ng Diyos, “ang aking kaisipa’y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi Ko kaparaanan, kung paanong mas mataas ang langit kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.” (Isa 55:8)
Personally, isa sa mga bagay na aking natutunan at ipinagpapasalamat sa Poong Maykapal ay ang pagkatuto sa pagtanggap sa kabiguan nang maluwag sa kalooban.
Hindi ko itatatwa na katulad ninyo, may mga kagustuhan din akong gustong maabot at maisakatuparan na kapag hindi natupad ay labis kong ipinag-daramdam.
Subalit sa paglipas ng panahon, habang nadadagdagan ang aking mga taon, maliwanag kong nasasaksihan na marami pala sa mga bagay na aking ginusto at pinilit na matupad, kung nagkataon, hindi pala magdudulot sa akin ng kabutihan. Ang totoo, marami sa mga ito ang tiyak na kapahamakan pa ang sana ang dulot kung ako ay napagbigyan.
And honestly, hiyang-hiya ako sa Diyos sa mga panahong ako ay naghinampo at nagduda sa Kanyang kabutihan at katapatan.
Kaya ngayon, kapag ako ay may naisin, lalo na sa aking trabaho at negosyo at hindi ito naganap sa paraang aking inaasahan, mas madali na sa akin ang pagtanggap — maliwanag sa akin na ang kabiguan sa aking kagustuhan ay hindi dahil sa hindi ako karapat- dapat sa aking gusto, kundi dahil mas alam ng Diyos ang kinabukasan at ako ay Kanyang iniingatan lamang. In the midst of my pain, I learned to trust God kasi nakita ko, He KNOWS what’s BEST.
Bakit ko ito ishinare sa inyo? Ibinahagi ko ito dahil pag-uusapan natin ngayong araw ang pinaniniwalaan kong tatlong kasagutan ng Diyos sa ating mga panalangin base sa aking karanasan.
Mayroon ka bang hinihiling? Mayroon ka bang matagal nang ipinagdarasal at talagang nakikiusap ka sa Diyos na sana ay pagbigyan ka na? Pero hindi mo alam kung naririnig ka ba Niya?
Naniniwala akong may tatlong sagot ang Diyos sa ating mga hiling, YES, NO at LATER. ‘Yung una, ‘yung YES—may mga ipinagdarasal tayo na talaga namang sinasagot, bakit? Kasi ay nakabase ang panalangin natin sa will ni God at alam Niya na makabubuti ‘yun sa atin, kumbaga, bahagi ng magandang plano Niya para sa atin—either kailangan natin ‘yun sa ating mga layunin sa buhay, or gusto Niya tayong i-reward sa mga mabubuting nagagawa natin.
Pero may mga panalangin tayo na hindi talaga natupad, hindi kaya Niya ito narinig? Nope. ‘Yun ang pangalawang sagot, at hirap tayong tanggapin, ‘yung NO—well, kahit naman sa ating kapwa, ‘di ba, kapag napahindian tayo ay talaga namang nakakasama ng loob, pero, may magagawa ba tayo kung walang pagtugon mula sa Diyos? Wala rin naman. Kaya ang pinakamaiging tugon sa mga NO na ating natanggap ay ang pananalangin na bigyan Niya tayo ng lakas ng loob na tanggapin ang kabiguan, at kapakumbabaang loob na tanggapin ang Kanyang kalooban. Dahil ‘yung katotohanan na mas mataas ang Kanyang kaparaanan, dapat sapat para maging maluwag ang pagtanggap natin ng Kanyang paghindi, dahil malay ba natin, na ang atin palang kagustuhan ay magpapahamak sa atin kung tayo ay pagbibigyan, ‘di ba po? Kung titingnan ho natin, ang mga panalangin na hindi sinagot, puwede nating gawing oportunidad para suriin ang ating mga sarili. Bakit hindi tayo sinagot? Ano ang ating intensiyon para ipanalangin ang ating panalangin? Naka-align ba ang ating panalangin sa mga salita ng Diyos? Magsilbing check and balance natin ang mga panalanging hindi binigyan ng katugunan.
At ‘yung pangatlo ay yaong sagot na LATER- eto ung mga matagal na nating panalangin na biglang wow, nagkatotoo. Remember, God is always on time. Kaya kung hindi pa tinutugon ang panalangin mo ngayon, ‘wag kang manawa, hangga’t alam mo na tama ang puso mo sa iyong hinihiling, maganda ang iyong intensiyon at wala kang nilalabag na salita ng Diyos, patuloy na manalangin, at umaasa. Dahil sa totoo lamang, naririnig po tayo ng Diyos at hindi Niya nakakalimutan ang mga salitang ating sinasambit.
Huwag nating hayaang malugmok tayo sa mga pagsubok ng buhay, bumangon tayo, lumuhod at patuloy na manalangin, may magagawa ang Diyos sa ating sitwasyon. Tandaan lang natin ang tatlong sagot na puwede Niyang ibigay sa atin, Yes—dahil makabubuti sa atin, No- dahil baka ikapahamak natin ang ating hiling, at Later, dahil hinihintay ang perfect timing— malay ninyo, malapit na ang later na ‘yun. So, do not give up. Stay strong.
Sa gitna ng ating mga kabiguan, huwag nating pagdudahan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang pagkabigo ay hindi dahil ayaw tayong panagumpayin, mas madalas, paraan siya ng Diyos upang tayo ay patatagin, at minsan, sabihin sa atin, na mas mabuti ang Kanyang plano at hangarin para sa atin. Gusto ng Diyos na ikaw ay produktibo, hindi Niya ipagkakait sa’yo ang isang mabuting bagay. Wala kang trabaho? Manalangin. Gusto mong magka-negosyo? Manalangin.
Si Glady Mabini ay isang Broadcast Journalist at Motivational Speaker na may iba’t ibang programa sa radyo. Ang mga programang ito ay puwede rin ninyong masundan sa kanyang Youtube Channel na Glady Mabini. Para sa mga paksa na gusto ninyong kanyang matalakay sa kolum na ito, ipadala lamang sa kanyang official FB page: Glady Mabini.
Comments are closed.