ANO NA ANG NANGYARI SA ATING INDUSTRIYA NG PAG-AASIN?

MEDYO nalaglag ako sa aking upuan nang may lumabas na balita na plano ng Department of Agriculture (DA) na umangkat ng asin para sa ating merkado. Ano?! Tama ba itong nabasa kong ulat?

Bakit? Napailing ako sa nasabing balita dahil ito ay panibagong isyu pagkatapos naging sentro ng balita nang ipinahintong kautusan ni PBBM sa plano ng Sugar Regulatory Administration na umangkat ng 300,000 metric tons ng asukal na nagkakahalaga ng P9 billion kamakailan.

Parehas ang agarang pananaw namin ni Sen. Sherwin Gatchalian. Nakapagtataka kung bakit pati ang asin ay kailangan pa nating angkatin samantalang ang Pilipinas ay isang isla na napapaligiran ng dagat.

Eh saan ba hinango ang asin? Di ba sa dagat?

Marahil ay may hibla ng katotohanan at mas kapani-paniwala sa aspeto ng asukal na kailangan natin umangkat nito sa ibang bansa. Medyo humina na ang produksiyon ng asukal sa ating bansa na hindi tulad ng dati. Nabawasan na ang mga ektarya ng lupain sa mga lalawigan na kilala sa pagtatanim ng tubo.

Alam ba ninyo na ang Western Visayas, sa kasalukuyan ay kayang mag-produce ng 5.31 million metric tons ng tubo o 50.8% ng pangangailangan ng ating bansa? Sa kabuuan, ang isla ng Negros ay nagtatanim ng 51% ng sugarcane. Sumusunod ang Mindanao na may 20%. Samantala naman 17% ay nasa Luzon; 07% sa Panay; 04% sa Eastern Visayas.

Eh mabalik tayo sa asin. Natatandaan ko noong nag-aaral pa ako sa elementarya na ang Las Piñas ay kilala bilang gumagawa ng asin sa ating bansa. Tabi lamang kasi ito ng Manila Bay. Isa pang lalawigan na kilala sa paggawa ng asin ay ang Pangasinan. Kaya nga tinawag ang nasabing probinsya dahil nag-ugat ito sa salitang “pang-asinan” o gumagawa ng asin.

Anyare?! Walang ekta-ektaryang lupain ang kailangan kung asin ang pag-uusapan. Dahil nga kahit saan ka pumunta sa ating bansa, katabi natin ang karagatan.

Bilang tugon sa isyung ito, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na gumagawa ng mabilis na hakbang ang pamahalaan upang suportahan ang lokal na industriya ng asin sa ating bansa.

“Tutulong ang ating pamahalaan para sa modernisasyon ng ating industriya ng pag-aasin. The national government is now working double time to beef up support for the salt industry to enhance the production of local salt in the country,” ang pahayag ni Sec. Angeles sa nasabing isyu.

Sa totoo lang, dapat aminin natin na bumagsak ang ating industriya ng asin dahil sa kapabayaan ng mga dating namuno sa DA. Kasama na rin dito ang prayoridad sa turismo at urban development. Nawala na ang mga lupain na malapit sa dagat para sa asinan at ginawang pasyalan, resort o kaya naman ay housing development.

Subalit sa panibagong direksyon ng pamahalaan ni Pangulong Marcos na nakatuon sa food security, inaasahan na aayusin nila ang nasabing problema.

Ayon kay Sec. Angeles na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay gagawa ng pagsasaliksik o ‘research and development initiatives’ sa salt production at tutulungan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ang mga manggagawa ng asin sa ating kapuluan.

Ang DA din daw ay magsasagawa ng pag-aaral upang magkaroon ng plano sa pagtataguyod ng masigabong industriya ng pagawaan ng asin sa Region 1, 6, at 9; palalawakin din ng DA ang lugar ng pagawaan ng asin upang mabawasan ang pag-aangkat natin nito.

Ayan. Malinaw na malinaw na hindi na tayo ‘a-alatin’ sa isyu ng asin.