ANO NA ANG NANGYARI SA NORTHRAIL?

Magkape Muna Tayo Ulit

NATATANDAAN pa ba ninyo ang Northrail? Ito ay ang North Luzon Railways Corp. na itinatag noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ilalim ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) upang buha­yin ang serbsiyo ng tren na magdurugtong sa Caloocan City sa Clark Air Base sa Pampanga kung saan nandoon ang isa sa ating international airport. Ang nasabing proyekto ay kabalikat ang China subalit naudlot ito dulot ng umano’y bahid ng korupsiyon.

Noong pumasok ang administrasyon ni Noynoy Aquino, nirepaso niya ang nasabing kontrata sa pagitan ng Northrail at China National Machinery and Equipment Corp. Group (CNMEG). May nasilip na mga kuwestiyonableng presyo ng pagpapagawa ng riles ng tren. Mula sa $503 million, lumobo daw ito sa $2 billion. Dagdag pa rito ay nakita sa pag-aaral ng UP Law Center na hindi maganda ang kasunduan sa pagitan ng Filipinas at ng China at gumawa ng hokus-pokus upang makaiwas sa public bidding. At noong 2012, nagbaba ng desisyon ang Korte Suprema na ang usapan sa pagitan ng Northrail at CNMEG ay hindi nabibilang na ‘exe­cutive agreement’ kaya maaaring makasuhan ang CNMEG bilang isang pribadong korporasyon.

Dahil dito, nawala ang saysay ng Northrail. Lahat ng plano, programa at proyekto nila ay isinilid muna.

Bagama’t agresibo ang plano ng administrasyon ni Pangulong Duterte na buhayin ang industriya ng tren, nagdesisyon ito na tanggalin na ang Nor-thrail bilang isang ahensiya ng gobyerno. Ayon sa Governance Commission for Government Owned or Controlled Corporations (GCG), sa M.O. No. 2019-5 ay ‘deactivated’ muna ito patungo sa pormal na pag-abolish ng Northrail.

Maaaring magandang hakbang ito upang magkaroon ng panibagong simula para sa mga malalaking proyekto ng mga riles sa buong bansa. Mata-tandaan na may iba pang plano ang administrasyon sa pagpapalawak ng serbisyo ng tren sa Mindanao at Visayas. Marahil ay maganda na palakasin na lamang ang Philippine National Railways (PNR) na sasakop sa mga hinaharap na proyekto ng gobyerno tungkol sa riles. Eh, ‘yun naman talaga ang trabaho nila, hindi ba?

Hindi ba’t ang masipag at tunay na makabayan na si Mayor Isko Moreno ng Maynila ay namuno dati sa Northrail? Bakit siya nag-resign? Marahil ay nakikita niya na talagang walang pag-asa na buhayin ang Northrail.

Comments are closed.