ANO NA ANG NANGYARI SA PLANONG REHABILITASYON NG NAIA?

Magkape Muna Tayo Ulit

MATATANDAAN na noong Pebrero 2018, may malaking balita na pito sa malalaking korporasyon sa Filipinas  ay nagsama-sama upang pangunahan ang rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport 1 (NAIA 1). Ito ay upang maibalik muli ang NAIA bilang isang tanyag at modernong paliparan ng ating bansa na maaaring makipagsabayan sa mga magagarang airports sa ibang bansa. Binansagan ang pitong malala­king korporasyon bilang ‘Super Consortium’.

Ang mga ito ay ang Aboitiz InfraCapital, Inc., AC Infrastructure Holdings Corporation, Alliance Global Group Inc., AEDC, Filinvest Development Corporation, JG Summit Holdings, Inc. at ang Metro Pacific Investments Corporation (MPIC). Ang pitong malalaking korporasyon ay magkakaroon dapat ng combined capitalization ng mahigit na PHP2.2 trillion. Kasama na tutulong sa kanila ang kilalang Changi Airports International Pte. Ltd. ng Singapore. Sila ang magbibigay ng technical support sa master planning, operasyon ng NAIA 1. Kasama na rito ang commercial development. Ang nasabing proyekto ay magkakahalaga ng halos Php350 billion sa loob ng nasabing kasunduan sa concession .

Dadagdagan daw ang kapasidad nito upang maaaring makipagsaba­yan sa lumalaking  passenger traffic dulot ng gumagandang ekonomiya ng ating bansa. Tuwang-tuwa ang Department of Transportaion (DOTr) sa pangyayaring ito at handa raw silang ayusin ang usaping ito.

Haaaay. Pagkatapos ng mahigit na dalawang taon, wala pa ring nangyayari rito. Ang daming mga gusot dulot ng maraming detalyadong hi­ling ng DOTr sa planong isi­numite ng nasabing Super Consortium. Dahil dito, unang umatras ang MPIC sa usapan.

Nitong linggo, ang Aboitiz InfraCapital Inc. ay umatras na rin sa nasabing usapan. Nagpadala ng liham ang mga natirang miyembro ng ‘Super Consortium’ sa National Economic and Development Authority (NEDA) na nagsasabi na wala na silang kumpiyansa na ituloy ang nasabing proyekto. Marahil ay malaking bahagi rito  ay ang pagtama ng pandemyang COVID-19 na nagkaroon ng malaking epekto sa ating ekonomiya. Apektado rin ang matiwasay na paggamit ng paliparan sa paglalakbay.

Subalit  hindi raw nababahala ang ating gobyerno sa pangyayaring ito. May mga ibang malalaking korporasyon na interesado pa rin  sa nasabing malaking proyekto para sa rehabilitasyon ng NAIA 1.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang DOTr ay nakikipag-usap sa dalawang malaking korporasyon para sa nasabing NAIA project. Dagdag pa ni Dominguez na ang dalawang dambuhalang korporasyon ay interesado rito  na hawig sa terms of agreement na isinagawa sa matagumpay na rehabilitasyon sa Clark Airport. Ayaw pang pangalanan ni Domiguez ang dalawang nasabing korporasyon.

Ngunit matatandaan na ang Megawide Construction Corp., kasama ang India-based GMR Infrastructure Ltd.,  ay nagsumite rin dati ng proposal sa rehabilitasyon at upgrade ng NAIA 1 na nagkakahalaga ng $3 billion para sa nasabing concession agreement sa loob ng 18 years. Ang Megawide-GMR ang gumawa at kasalukuyang nagpapatakbo ng bagong Cebu-Mactan Intrnational Airport.

Sa akin lamang ay nasayang ang dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Duterte upang masimulan ang nasabing napakagandang proyekto. Hindi natin alam kung ano ang mang­yayari sa hinaharap. Malinaw ito sa pangyayari ng pag-usbong ng COVID-19. Malaki ang epekto nito sa pangkalahatang ekonomiya ng mundo. Nahihirapan din ang kalakaran at negosyo ng bansa dulot dito.

Maaaring  ma­ging matamlay  ang ekonomiya sa mga susunod na buwan o taon. Subalit  sa mga ganitong krisis, may nakikitang oportunindad ang ibang mga negosyante sa atin. Kaila­ngang  ipakita ng a­ting pamahaalan na bukas sila sa pribadong sektor upang makipagtulungan sa pagbangon ng ating ekonomiya.

Kung totoo man ang pahayag ni Sec. Dominguez, plantsahin na ‘yan!

Comments are closed.