ANO NA BA TALAGA ANG ESTADO NG E-BIKES?

magkape muna tayo ulit

NOONG umpisa ng taon, naglabas ng kautusan ang MMDA upang ipagbawal ang mga e-bikes sa mga pangunahing lansa­ngan. Inayudahan ito ng isang deriktiba mula sa DILG bilang isang kautusan sa mga LGU na hindi maaa­ring gamitin ang mga e-bikes na kahalintulad ng mga ordinaryong sasakyan sa lansangan.

Malinaw naman na mapanganib ang e-trikes na bumabaybay sa mga pangunahing lansangan. Wala itong mga tinatawag na ‘safety feature’ para sa kaligtasan ng nagmamaneho nito at pasahero.

Bukod dito ay nakakadagdag pa ito sa pagsisikip ng daloy ng trapiko dahil mabagal ang takbo nito at nasisira ang diskarte ng mga ibang sasakayan upang maiwasan na matamaan ang mga e-bikes sa kasagsagan ng trapiko.

Naglabas din ng panukala ang LTO na pinag-aaralan din nila ang pagpaparehistro ng mga e-bikes sa LTO. Ito raw ay upang magkaroon ng wastong datos sa dumaraming bilang ng ganitong uri ng sasakayan. Dagdag pa rito ay upang maiwasan ang mga kabataan na walang lisensiyang magmaneho na gamitin ang e-bikes sa mga pangunahing lansangan. Wow. Ang ganda!

Subalit ang lahat ng mga planong ito ay nagmistulang nahulog sa malalim na balon nang ianunsiyo ni Pangulong Marcos na ihinto ang pagbabawal ng e-trikes sa mga pangunahing lansangan. Tumiklop ang MMDA, DILG at LTO sa mga plano nila.

Wala akong problema sa paggamit ng e-bike. Sa katunayan ay binigyan ko ang aking biyenan ng e-bike upang hindi sila mahirapan sa pagbili ng mga panga­ngailangan nila sa bahay. Subalit ito ay ginagamit lamang nila sa loob ng subdibisyon.

Sa totoo lang, ito talaga ang gamit ng e-bike. Para lamang sa loob ng barangay.

Pero teka, naglabas muli ng direktiba ang LTO kamakailan. Pansamantala raw ang suspensiyon ng “requirement for registration of LEVs (light electric vehicles) and licensing of LEV    users with the LTO,”  ayon sa kanilang inilabas na direktiba.

Dagdag pa rito ay ang pagsususpinde rin ng mandatory na paggamit ng DTI-approved motorcycle helmets para sa LEV users at ang suspensiyon ng awtoridad ng MMDA at LGUs sa implementasyon sa pagpili ng mga ipinagbabawal sa paggamit ng mga e-bikes sa mga lansangan.

Teka. May kapangyarihan ang LTO sa MMDA at LGU upang utusan sila na huwag hulihin ang mga e-bikes sa mga tukoy na lansa­ngan na maaaring magdulot ng trapik at panganib sa mga tao? Hmmmm…

Naguguluhan ako. Ano ba talaga KOYA?!