ANO NGA BA ANG AMBAG NG SK SA KOMUNIDAD?

SA Pilipinas, mahalaga ang ginagampanang papel ng mga barangay official.

Kumbaga, sila ang ‘first line of defense’ ng pamahalaan.

Katuwang din nila ang Sangguniang Kabataan (SK) na ilang beses nang naipagpaliban ang halalan.

Sinasabing sa Disyembre ngayong taon ay matutuloy na ang barangay at SK elections.

Matagal nang namamayagpag sa bansa ang SK.

Tumatanggap ng allowance ang mga SK chairman pero hindi raw lahat.

Ang mga konsehal daw kasi ay walang nakukuha kahit singkong duling.

Kaya napapanahon ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang batas na naglalayong mas palakasin ang kanilang hanay.

Dahil inamyendahan ng Republic Act No. 1176 ang ilang probisyon ng SK Reform Act of 2015, makatatanggap na rin ang mga ito ng buwanang honorarium.

Sang-ayon sa bagong batas, lahat ng SK members, kabilang ang treasurer at secretary, ay makatatanggap ng monthly honorarium tuwing katapusan ng kanilang monthly meeting.

Ibabase nga lang daw ito sa SK funds.

Hindi raw kasi dapat lumagpas ang honorarium sa 25 porsiyento ng pondo nila at hindi rin naman dapat humigit sa tinatanggap na sahod ng SK chairperson.

Ang mga lokal na pamahalaan (local government units) ay maaaring magbigay rin ng karagdagang bayad.

Maaaring kabibilangan ito ng social welfare contributions at hazard allowance sa SK chairperson at iba pang elected o appointed members sa pamamagitan ng mga ipapasa nilang ordinansa.

Aba’y pagkakalooban din ng civil service eligibility ang mga SK member base sa kanilang taon sa serbisyo sa kanilang nasasakupan.

Kung susuriing maigi ang SK Reform Act, katuwang sila sa ‘nation-building’.

Medyo malawak ang mandato o tungkulin ng SK, kung saan kasama na rito ang pagpasa ng resolusyon para sa kagalingan ng kabataan sa barangay alinsunod sa Comprehensive Barangay Youth Development Plan.

Nagsasagawa rin sila ng mga programa at proyekto para sa ikauunlad ng kabataan katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan at non-government organizations o NGOs.

Bukod dito, nagdaraos din sila ng fund-raising activities batay na rin sa development plan.

Ngunit hindi naman daw lahat ay nakikita ang kahalagahan nila.

Para sa iba, walang silbi ang SK dahil parang duplikasyon lang daw ito ng barangay.

Noong mga nakaraang taon, may nananawagan na wakasan na ang kanilang pananatili.

Natatandaan ko pa na maski ang yumaong si Sen. Aquilino “Nene” Pimentel Jr. ay pumabor noon na buwagin ang SK.

Hindi nga lang naisakatuparan.

Matindi ang mga sinabi noon ni Pimentel tungkol sa grupo ng mga kabataan.

Nawalan daw kasi ito ng direksiyon at hindi na nakatutulong sa pag-unlad ng komunidad.

Napababayaan daw ng mga SK official ang kanilang nasasakupan.

May kanya-kanya rin kasi silang trabaho at walang maayos na pasahod.

Kung hindi ako nagkakamali, binuo ang SK sa pamamagitan ng Local Government Code of 1991 na siyang pumalit sa Kabataang Barangay (KB) na itinatag noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ngayong malapit nang umupo sa kapangyarihan si incoming President Bongbong Marcos, mahalagang tingnang maigi ang papel ng SK kung nararapat pa bang patagalin ang buhay nito.

Namamayagpag din kasi ang ilang SK chairman na anak din naman ng barangay chairman. Ang ama o ina ang barangay chair at ang anak ang SK head kaya tila pinakyaw na nila.

Sa palagay ko naman, kung nagdudulot lamang ito ng duplikasyon sa trabaho, dapat sigurong buwagin ang SK at mas palakasin na lamang ang barangay.

Hindi rin ako pabor sa pagbibigay ng civil service eligibility sa mga taga-SK dahil sa palagay ko ay unfair naman ito sa mga wala sa hanay nila.

Sapagkat may ganyan sa barangay at mabibigyan na rin ng eligibility ang mga SK official, baka dumami pa ang mga gustong pumasok o tumakbo dahil hindi na nila kailangang mag-exam sa Civil Service Commission (CSC) para makakuha ng eligibility.

Mukhang makakatipid pa ang gobyerno kapag binuwag ang SK at mas maigi siguro na dagdagan na lamang ng pondo ang mga barangay.