PIRMADO na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang P5.768 trilyong national budget para sa taong 2024 – pondo na mas mataas ng higit 9 porsiyento noong nakaraang taon.
Ano nga ba ang kinakatawan ng national budget?
Sa mga unang taon ng ating Republika, kung kailan ang taunang budget ng Pilipinas ay humigit-kumulang P10 milyon lamang, ang pera po ay inilalagay lang sa duffel bags at ibinibiyahe sa mga tren para dalhin sa mga dapat tumanggap ng pondo. Malayong-malayo sa kung paano ito naipadadala sa mga ahensiya ng gobyerno sa kasalukuyan.
Ngayon, ang alokasyon ng bawat government agency ay naida-download sa kani-kanilang tanggapan electronically. Hindi na kailangang bumiyahe pa, dahil sa totoo lang, sa mga panahong ‘to, kahit iilang libong piso lang ang bitbit natin sa bulsa, nakaka-praning nang mag-commute dahil alam n’yo na ang panahon.
At kahit nagbago na ang sistema ng alokasyon, ang masinsinang pagsusuri sa pondo ay nananatili. Mula noon, hanggang ngayon, talagang dumadaan sa butas ng karayom ang pag-apruba sa national budget.
Ano nga ba ang ipinagkaiba ng national budget noon at ng national budget ngayon? Bukod sa halaga, halos wala naman — dahil kung noon ay para sa progreso ng bansa at ng mamamayan ang layunin ng pambansang pondo, ganoon pa rin naman hanggang ngayon. Napakalaking tulong naman talaga ng pagpopondo hindi lang para sa iisang bagay, kundi para sa ekonomiya ng Pilipinas. Ano-ano ba ang mahahalagang aspeto na dapat pondohan? Nangunguna na riyan ang edukasyon, kalusugan, imprastraktura, seguridad sa pagkain at marami pang iba.
Sa 2024 national budget, naglaan ang dalawang sangay ng Kongreso ng mahigit P900 bilyon para sa edukasyon. Napakaraming hamon ang kinakaharap ng sektor ng edukasyon at upang matulungan ito sa patuloy na pagbangon, kailangan ang nauukol na pondo.
Sa imprastraktura, naglaan tayo ng napakalaking pondo para naman masiguro ang kaligtasan ng ating mga kalsada, tulay, mga riles. Hindi lang naman kasi ito para sa mga motorist o pedestrian, malaking bagay rin ang mga imprastrakturang ito sa transportasyon ng mahahalagang produkto or basic goods and services.
May alokasyon din na P221.659 bilyon para sa agrikultura. Ibig sabihin, mas tumaas ito ng 27.7 percent sa 2023 budget na inilaan sa Department of Agriculture at sa attached agencies nito. Mahalagang mapondohan ang sektor na ito dahil alam naman natin na ilang beses nang inabot ng krisis ang naturang sektor.
Ang budget ay para matugunan ang problema natin sa mga pagkaing abot-kaya, at para matulungan ang mismong mga taong nagtatrabaho para mapakain ang sambayanang Pilipino – ang mga magsasaka, mga mangingisda at iba pang mga kababayan nating nagtataguyod sa seguridad ng ating pagkain.
At kahit kailan, laging kasama sa mga nangungunang ahensiya ng gobyerno na tumatanggap ng malaking pondo ang sektor pangkalusugan sa pangunguna sa Department of Health. Higit P300 bilyong pondo ang inilaan sa departamento na nakatuon hindi lang para sa mga paggamot sa mga may karamdaman kundi para matiyak na wala sa ating mga kababayan ang daranas ng matinding pagkakasakit – para maiwasang gumastos nang malaki sa pagpapaospital ang mga pamilya na talaga namang isang bagay na nagiging dahilan ng ating paghihirap.
Halos 20 porsiyento naman sa kabuuang pondo ang inilagak sa mga rehiyon, lalawigan, lungsod at munisipalidad para matulungan sila sa kanilang pagpapaunlad sa kani-kanilang komunidad.
At para masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa bawat lugar, at sa mismong pamamahay ng ating mga kababayan, at para sa kaligtasan ng mamamayan, may dagdag alokasyon din ang mga departamentong nakapokus sa usaping peace and order – nariyan ang PNP, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang uniformed personnel.
At base na rin sa iniatas ni Senate President Migz Zubiri, may pondo rin para sa Department of National Defense at sa attached agencies nito, kabilang na ang Armed Forces of the Philippines, na umaabot sa mahigit P238 bilyon. Pangunahing layunin nito na mas mapaigting ang pagbabantay sa ating mga teritoryo at mapangalagaan ang soberenya ng Pilipinas.
Malaking bahagi rin ng pondo ang inilaan sa pagtugon sa mga problemang dala ng iba’t ibang kalamidad tulad ngn pagbaha, disasters at iba pang mga kalunus-lunos na trahedya. Kaukulang P21 bilyon ang inilaan para sa NDRRM fund o calamity fund.
Ang national budget po, para sa kaalaman ng lahat ay hindi lang piraso ng papel na pinipirmahan ng ating mga opisyal, partikular ng ating Pangulo. Ito ay isang manifesto na nagbibigay halaga sa kapakanan ng mamamayan at nang buong bansa. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, napakaraming dapat na tuparing pangako at sa pamamagitan ng annual budget, sisikaping maisakatuparan ito para masigurong matupad ang pangarap nating umunlad at umalagwa.