AÑO SA MGA REBEL RETURNEE: ‘DI KAYO ILALAGLAG NG GOBYERNO

Eduardo Año

QUEZON CITY – HINIMOK ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko at manumbalik sa lipunan habang tinitiyak na “hindi sila pababayaan ng pamahalaan gaya ng gina-wa sa kanila ng mga komunista.

“Ito ang masakit na katotohanan. Walang pakialam ang NPA sa kapakanan ng kanilang mga miyembro. Ginagawa lamang silang mga peon (trabahador) ng CPP-NPA-NDF sa mga walang katuturan na adbokasiya upang pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng armadong pakikibaka,” ayon kay Año.

“Sa pagbabalik ninyo sa inyong mga pamilya, nakatitiyak kayo na hindi kayo pababayaan ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP),” dagdag pa niya.

Sa isang pagdinig sa Senado kamakailan, inilahad ni ‘Alem’, isang dating kasapi ng NPA, kasama ang iba pang dating rebelde, ang kanilang mga karanasan sa kamay ng nasabing rebeldeng grupo at kung paano sila kalaunan ay pinabayaan.

Isang emosyonal na ‘Alem’ ang nagsabing wala siyang natanggap na kahit anong tulong mula sa mga inakala niyang “kasama” noong siya ay malapit nang magsilang.

Ang mga kuwentong ito ay nagpapatunay lamang sa panlilinlang at kasinungalingan ng NPA.

Ayon sa kalihim, kinakailangan na nating palakasin ang ating mga batas upang wakasan ng gobyerno ang aktibong pagre-recruit ng komunista ng mga kasapi sa mga paaralan, pabrika, at sa mga magsasaka. PAULA ANTOLIN

Comments are closed.