HINIMOK ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang publiko na i-report ang anumang anomalya o korupsiyon partikular sa pagbili at pagbebenta ng medical supplies at equipment sa gitna ng pandemya na COVID-19.
Sa pagdinig kamakailan sa Senado ng committee on health, hinikayat ng senador ang taumbayan na ipaalam sa mga awtoridad ang anumang matutuklasang korupsiyon sa kanilang mga lugar.
“Kung may alam po kayo na mga abusadong mga indibidwal sa gobyerno man o sa pribadong sektor, huwag po kayong matakot magsumbong sa amin ni Pangulo, ako po mismo ang magbubulong ng inyong hinaing kay Pangulong Duterte at sisiguruhin natin na mapoprotektahan po kayo basta magsasabi lang kayo ng totoo,” ayon kay Go.
Nanindigan si Go na hindi papayagan ng administrasyong Duterte ang anumang iregularidad lalo na sa pagbili at pagbebenta ng mga medical equipment at supplies. Nanawagan din siya na siguruhin ng lahat ng ahensiya na sangkot sa pagbili ng mga medical equipment na dumaan ito sa tamang proseso at walang nasayang kahit isang sentimo.
“Handa tayong mag-conduct ng investigation on all of these alleged overpriced medical supplies, equipment and packages, including the COVID-19 test kits,” ani Go.
“Kung makikita nating may korupsiyon na nangyari, dapat papanagutin natin ang mga ahensiya at lalong lalo na ang mga opisyal nito. Wala tayong palalampasin, at wala tayong pipiliin. Pera ng bayan po ito. Gamitin natin sa tama at wasto lalo na’t nakakatakot ang kinakaharap natin,” dagdag ng senador.
Pero nilinaw nito na idadaan nila sa tamang proseso at bibigyan ng pagkakataon na magbigay ng kailang panig ang sinumang ahensiya na masasangkot sa anomalya.
Nanawagan din si Go sa mga pribadong kompanya partikular sa mga business group na tulungan ang pamahalaan na masawata ang korupsiyon lalo na ngayong panahon ng COVID-19.
Comments are closed.