(Anomalya sa custodial facilities) CITY AT PROVINCIAL DIRECTOR SASABIT

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na maaaring sumabit ang city at provincial police directors na mahuhuling may anomalya sa kani-kanilang custodial facilities.

Kasabay nito, ang babala ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr., na isasama sa credentials ng promotion kung pabaya ang mga city at provincial directors sa kanilang mga custodial facility.

Nabatid na nakatakdang maglunsad ng malawakang inspeksyon ang PNP sa mga custodial facilities sa bansa kasunod ginawang pagsalakay at pagdakip ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Angeles City, Pampanga at inaresto ang pitong pulis dahil sa iligal na pagkulong sa 13 indibidwal.

Nabatid na mayroon ikinulong ang pitong pulis na drug offender kahit wala pang kasong naisasampa at kinikikilan pa ng pera ang kaanak ng mga suspek kapalit ng kalayaan nito.

Nilinaw ni Acorda na hindi nila kinukunsinti ang mga maling gawin ng mga pulis, kasama na rito ang pagkukulong sa mga tao na walang basehan at pangingikil.

Kaya naman, ipinasilip din ng PNP chief ang criminal records ng mga nakakulong para tiyaking walang nalalabag sa kanilang mga karapatan.

Samantala inihayag naman ni IMEG Director BGen. Warren de Leon na sisikapin nilang malinis ang hanay ng Pambansang Pulisya at mas paiigtingin pa ang kanilang law enforcement operations laban sa police scalawags.

Sinabi pa ni De Leon na makakaasa ang publiko sa integridad at tapat na pagsasagawa nila ng mga operasyon.
Kasunod nito, hinikayat ng opisyal ang taumbayan na magsumbong sa IMEG kung may nalalaman hinggil sa iligal na gawain ng mga pulis para ito ay kanilang agad na maaksyunan. VERLIN RUIZ