(Anoman ang mangyari) PUV MODERNIZATION TULOY-DOTr

IGINIIT  ni Transportation Secretary Jaime Bautista na patuloy nilang ipatutupad ang kontrobersyal na PUV modernization anuman ang mangyari pagkatapos ng extended na deadline ng consolidation nito sa Abril, sa kabila ng panawagan ng ilang transport groups na tuluyan nang ibasura ang programang ito.

Sa panayam ng Pilipino Mirror matapos magbigay ng mensahe nito bilang guest speaker sa induction of officers ng mga opisyal sa Philippine Chamber of Commerce Industry (PCCI) sa Makati, ipinagdiinan ni Bautista na kung hindi ipatutupad ang programa ay hindi maiibsan ang ilang problema tulad ng polusyon sa bansa dulot ng mga traditional jeepney. Giit nito ay layunin ng jeepney modernization na magkaroon ng “safer, clean, and more convenient mode of transportation”.

Ayon sa mga naunang pahayag ng pamahalaan, ituturing nang colorum at maari nang arestuhin ang mga tsuper at operator na namamasada pa ng mga yunit na mga hindi pumaloob sa PUV modernization at nakapagpa-consolidate paglampas sa nakatakdang deadline.

Pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang deadline nito sa katapusan ng Abril.

Ito ay kabila sa pagtuligsa ng mga kongresista tungkol dito dahil umano sa mas pagbibigay halaga ng Department of Transportation (DOTr) sa isyu ng polusyon kapalit ng pagkawala ng hanapbuhay ng mga tsuper at operators na maaaring madisplace sakaling hindi makapag-consolidate ang mga ito sa nakatakdang deadline nito.

Bukod dito nangangamba ang mga mambabatas na baka magdulot ito ng krisis sa transportasyon sakaling mabawasan ang mga namamasadang jeepney pagkatapos ng deadline ng consolidation sa ilalim ng jeepney modernization program ng pamahalaan.

Sinabi rin ni Bautista na taliwas sa mga pinag ‘uusapan sa pagdinig sa Kamara kung saan ang mga tsuper at operators ay nagrereklamo na wala na silang maiuuwing kita sa kanilang mga pamilya dahil hindi na anya nila kakayanin ang mahal na hulog ng mga yunit ng mga imported na modern jeepneys kada buwan, niliwanag ni Bautista na hindi inoobliga ng DOTr ang mga kooperatiba at operators na bumili ng sasakyang galing sa ibang bansa.

Sa committee hearing sa Kamara, inirereklamo ng mga operator at kooperatiba na aabot sa P2.6 milyon hanggang P2.8 milyon ang bawat imported jeepney samantalang sa mga local manufacturers ay posibleng P900,000 lamang ang halaga ng kada yunit nito.

“Wala namang nagbabawal sa kanila na bumili ng mas murang jeepney.Kung may mabibilhan silang mas mura, hindi kailangang imported,”ang sabi ni Bautista.

Sa kabila ng pangamba ng mga operators na hindi pa nakakapag-consolidate na baka umano matulad sila sa mga nag-consolidate na sa ngayon ay may iba na umanong nalulugi, ipinagdiinan ni Bautista na ito umano ay diskarte na ng mga kooperatiba kung paano nila maiiwasan ang pagkalugi.

“It’s business , so gawan nila ng paraan para sila kumita,”sabi ni Bautista.

Ayon sa ilang ayaw magpa-consolidate , ipinahayag ng mga ito na ang pangunahing dahilan sa takot nila makilahok sa programa ay dahil anya mawawala sa kanilang pag aari ang mga naipundar na nilang mga yunit at prangkisa oras na isurrender ito sa mga kooperatiba.Hiling ng mga operator na kung mako-consolidate sila sa mga kooperatiba, ay manatili silang may ari ng mga modern jeepneys at prangkisa na uutangin nila sa iba’t ibang financial institutions at babayaran ng hulugan ng ilang taon.

Tutol ang mga operator sa kasalukuyang umiiral sa consolidation scheme na pinapasahuran na lamang aniya ang mga tsuper at operators ng kooperatiba na siya ng lumalabas ng may ari ng mga yunit na uutangin nito. Iginiit ng ilang kasapi ng transport groups sa kanilang mga pahayag na nakakaranas na umano ang ilang tsuper at operator na hindi na napapasahuran ng kooperatiba dahil aniya sa pagkalugi.

Ipinaliwanag naman ni Bautista na dahil negosyo ang pinag -uusapan sa programa ng PUV modernization, nasa kamay na lamang ng namamalakad nito ang pagsisiguro na hindi ito malulugi.

Hindi na rin aniya kailangang maging may ari ng kada yunit ng modern jeepney at prangkisa nito ang mga operator na mangungutang para sa kooperatiba sapagkat sila umano ay ituturing ng share holder o kabilang sa namamalakad nito sa konsepto ng PUV modernization.

Sinabi ni Bautista na bagamat ang target nila ay umabot man lang sa 80 porsiyento ng mga kasalukuyang nakarehistrong jeepney ang makapag-consolidate, kahit aniya hindi na 100 porsiyento ay ayos na sa pamahalaan. “Our target is at 80 percent, we are even good to go at 65%,”sabi ni Bautista.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia