ANONG KLASE KA KAYANG BAYANI?

Anong klase ka kayang bayani?
May lahing maipagmamalaki?
Ihinele ka ba sa papuri?
Dakila ka ba hanggang sa huli?

Saan mo maihahalintulad
Ang iyong mito at/o alamat?
Mula ba sa loob o sa labas
Ang pinagmulan ng paglalahad?

Sarili mo ba ay ihahambing
Sa minaliit na Frodo Baggins
Ngunit may ka-gahiganteng tungkuling
Taluhin ang dilim at ang One Ring?

O di kaya nama’y Han Solo kang
Maka-sarili lang sa umpisa?
O baka Crisostomo Ibarrang
Magiging Simuon na kontrabida?

Tauhan ka kayang karaniwan:
Isinilang, tumanda’t pumanaw?
Kinagisnan mo ba ang maghintay
Sa ibibigay ng kapalaran?

Walang problema, kung maaari.
Wala ring solusyon, kung sakali.
Kaya takot magbakasakali
Ang naipit sa oo at hindi!

Sa kabilang banda, kahit Tragic
O Byronic o Reluctant ang peg,
Gawin mong laging kahindik-hindik
Kung hindi man kapana-panabik

Ang pakikipagsapalaran mo:
Kung ang buhay mo ay di epiko,
Bakit di baguhin ang kuwento?
Basta, sa wakas, ikaw ang Hero!