ANONG KULAY NG PANAGINIP MO?

Anong kulay ng panaginip mo?
Kasimputi ba ng triyanggulo
Sa watawat na sumisimbolo
Sa ating panalo’t pagkatalo.

O kasimbughaw ng katarungan,
Katotohana’t kapayapaan?
O kasimpula ng kagitingan
At pagmamahal kay Inang Bayan?

O baka kasindilaw ng putok
Ng araw na sadyang tumatagos?
O kasinluntian nga ng bundok
Na kinokoronahan ng niyog?

O di kaya nama’y kasing-itim
Ng gabing kinagat daw ng dilim
Sa liwanag mulang takipsilim
Bago ka tuluyang mapahimbing.

Nang isara mo ang iyong mata
Tumingkad ba ang iyong nakita?
Tumalas ba ang ibang pandama
Nang magsimulang managinip na?

Nag-umpisa na rin bang matupad
Sa sang-iglap ang iyong pangarap?
O kaagad binasag ding lahat
Ng ginising ng mga batibat?

Silang lahat ba ay matataba?
Silang lahat ba ay matatanda?
Silang lahat ba ay kulay-lupa?
Silang lahat ba ay nawawala?

Walang iniwan sa isang puno
Na di-kaginsa-ginsa’y naglaho?
At ikaw nga ang itinuturong
Pumutol nang bahay mo’y itayo.