Walang Tulugan! ‘Yan ang moto ng mga nagtatrabaho sa graveyard shift at mga indibidwal na mas pipiliing tapusin ang series na pinanonood. Ngunit gaano ba kahalaga ang tulog?
Nasa panahon tayo kung saan ay masasabing marami sa atin ay sleep deprived o mga kulang sa tulog. Marami ang dahilan kung bakit tayo ay kulang sa tulog. Maaari nating isisi ito sa matinding traffic, teknolohiya tulad ng cellphone, tablet, tv, at kung ano-ano pang gadgets na hindi natin mabitawan.
Marami sa kabataan ngayon ay maituturing na sleep deprived dahil sa mas madalas na maikli ang oras ng tulog. Maaaring dahil sa paggawa ng takdang aralin o magdamag na panood ng paboritong series, o madalas na paggamit ng social media.
Ang mga empleyado naman na ang oras ng trabaho ay mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon ay kailangang gumising ng mas maaga upang maiwasang mahuli sa trabaho dahil sa trapiko. Ngunit ang masakit na katotohanan ay matagal din ang biyahe pauwi kaya naisasakripisyo ang pagtulog. Hindi rin maiaalis na sa pag-uwi sa kani-kanilang tahanan ay marami pa silang gawain.
Maraming bilang din ng mga empleyado ang nagtatrabaho sa BPO o business process outsourcing na madalas ang oras ng trabaho ay pang-gabi. Sa mga oras na dapat ay karaniwang tulog ang isang indibidwal ay siya namang oras na kailangan sila ay gising at alerto.
Isang mahalagang salik sa atin buhay ang pagtulog.
Ayon sa National Sleep Foundation, ang isang indibidwal ay nangangailangan ng 7-9 na oras ng tulog. Kapag natutulog tayo, dito tayo nagre-recharge o binabalik ang naubos na energy ng buong nakaraang araw.
Kung hindi tayo nakakatulog ng sapat, mahihirapan ang utak nating makapagtala ng memorya at magreresulta ito sa pagiging makalimutin ng isang tao.
Malaki rin ang tsansa na magkaroon ang isang taong parating kulang sa tulog nang Alzheimer’s Disease. Hihina o babagal ang pagdedesisyon, pagkontrol sa emosyon, pag-uugali, at pagresolba ng mga problema.
May direktang epekto ang sleep deprivation sa ating kalusagan. Ang pagtulog lamang sa loob ng 4 hanggang 6 na oras ay magreresulta sa pagbaba ng bilang ng anticancer-fighting immune cells o natural killer cells. Malaki din ang tsansa na magkaroon ng iba’t ibang uri ng cancer. Nariyan ang cancer of the prostate, cancer of the bowel, maging breast cancer. Idagdag pa sa listahan ang high blood pressure, stroke, diabetes, at obesity.
Malaki ang trabahong ginagampanan ng tulog. Hindi lang sa kalusugan natin ito may epekto pati na rin sa ating performance sa school man o trabaho.
Kawalan ng focus, pagiging irritable at maging ang pagiging malikhain ay naaapektuhan kapag kulang sa tulog.
Kung hindi kayang makatulog ng 7-9 na oras, asahan na may epekto ito sa iyong performance. Heto ang ilang paaran upang kahit kulang sa tulog ay maging epektibo pa rin sa trabaho o sa eskuwela:
POWER NAP
Karaniwang inirerekomenda ang nap o pag-idlip sa loob ng 10-20 minuto para sa short-term alertness.
Epektibo ito para sa mga taong hindi nakadepende sa kape para manatiling gising at alerto.
Dapat din ay hindi lalampas ang pag-idlip sa 10-20 minuto. Mag-alarm para makuha nang buo ang benepisyo ng iyong pag-idlip.
HAPPY NAPPING PLACE
Humanap ng puwesto kung saan komportable kang makaiidlip. Kailangang maayos ka ring nakaupo kapag umiidlip nang mas malalim na makatuog kahit na saglit lang.
NAP-A-KAPE
Uminom ng kape bago umidlip dahil ang kape ay umiipekto matapos ang 20 minuto. Eksakto nasa paggising mo ay saka eepekto ang kape. Kaya mas refreshed at mas alerto.
Ang napping o pag-idlip ay may panandaliang epekto lamang sa katawan hindi ito ang sagot sa kakulangan sa tulog.
Mas mainam pa rin ang tamang oras ng tulog para sa mas malusog na pangangatawan at pag-iisip.
Huwag nating ipagsawalang bahala ang hindi pagtulog nang tama dahil hindi natin makikita kaagad-agad ang pangmatagalan at masamang epekto nito sa ating katawan. “Kalusugan ay kayamanan na mas dapat nating pangalagaan.” (photos mula sa google) MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.