KASALUKUYANG nagaganap hanggang sa ika-12 ng buwan sa Glasgow, UK ang COP26, o ang 26th UN Climate Change Conference of the Parties.
Ang delegasyon ng Pilipinas ay pinangungunahan ni Climate Change Commission (CCC) Chair-designate at Finance Secretary Carlos G. Dominguez. Ilalatag niya sa mga policymakers ng COP26 ang bagong dokumento ng Pilipinas, ang Sustainable Finance Roadmap. Ani Dominguez, layunin umano nito ang hikayatin ang ibang mga bansa upang magkaroon ng mga polisiyang makakatulong sa pagpapababa ng carbon emissions.
Sa aking palagay, higit pa sa panghihikayat sa ibang bansa, mas mahalagang layunin ang hikayatin ang ating sarili at sariling kababayan upang lumikha ng mga pagbabagong makakatulong na masiguro ang ating kaligtasan sa kabila ng climate change. At habang pinapanood at pinakikinggan natin ang mga nagaganap sa labas ng pormal na mga pulong sa COP26, malinaw ang mensahe ng mga kabataan at aktibista: bawasan ang salita at dagdagan ang gawa; seryosohin at tuparin ang mga ipinangako.
Ang nabanggit na Roadmap na ipapakita ni Secretary Dominguez sa naturang kumperensya ay naglalaman ng masterplan ng Pilipinas kaugnay ng paggawa ng mga polisiyang kakailanganin upang mapababa ang ating emission at upang makapag-ambag sa Paris Agreement. Sumang-ayon ang bansa sa 75% na “projected reduction and avoidance” ng greenhouse gas emissions mula 2020 hanggang 2030 para sa mga sumusunod na sektor: agrikultura, basura (waste), industriya, transportasyon, at enerhiya.
Ang pangakong ito ay bahagi ng pandaigdigang aksiyon tungo sa “global net-zero” sa kalagitnaan ng siglo (2050) at sa patuloy na pagsisikap na malimitahan hanggang 1.5 degrees lamang ang antas ng global warming.
(Itutuloy…)