ANO’NG PAKI KO SA COP26?

(Pagpapatuloy…)
Ang sigurado ay walang pag-asang makamit ang adhikain kung walang pagtutulungan at kooperasyon.

Ibig sabihin nito, kailangang magkaisa ang mga bansa, tumulong ang mga negosyo, at kumilos ang lahat ng miyembro ng lipunan. Maraming tao, grupo at pamahalaan ang matagal nang kinukulang sa gawa.

Dahil dito, nakakatakot isipin na maaaring totoo ngang ubos na ang ating oras.

Ayon kay Secretary Dominguez, kasama sa Roadmap ang “whole-of-nation approach” upang maisagawa ang mga praktikal na solusyon para matulungan ang Pilipinas sa transisyon nito patungo sa isang malinis, climate-resilient, at sustainable na ekonomiya. Kaya lang, kitang-kita nating hindi magiging madali ito at siguradong kailangan nating doblehin pa (o higit pa sa doble) ang mga pagkilos na ginagawa natin ngayon kung gusto nating mapangalagaan ang ating kapaligiran para sa kapakanan ng ating mga anak at mga anak nila. Mas madaling sabihin ito kaysa gawin.

Habang abala ang mga taga-gawa ng polisiya sa kanilang mga istratehiya at mga presentasyon, napakarami namang isyu na nangangailangan ng agarang tugon ang hindi nabibigyang pansin.

Halimbawa, ang patuloy na pagtaas ng sea level na isang malaking banta sa buhay at kaligtasan ng milyun-milyong tao. Habang hinihintay natin ang mga gobyerno na magsagawa ng konkretong aksiyon para tugunan ito, mga nakamamatay na bagyo at matitinding pagbaha ang nagdudulot ng seryosong pinsala sa maraming buhay at ari-arian. Ito ang reyalidad dito sa atin at sa maraming lugar sa buong mundo.

Bawat taong naninirahan dito sa mundong ibabaw ay kinakailangang magpalalim at magtanong: Ano ang maaari kong gawin para makatulong? Mula sa sarili nating bakuran hanggang sa COP26, bawat pagkilos, maliit man o malaki, ay kinakailangang isagawa natin nang taimtim.