PATULOY ang isinasagawang pagdinig ng ating pinamumunuang subcommittee on constitutional amendments and revision of codes sa Senado ukol sa mga panukalang pag-amyenda sa economic provisions ng ating 1987 Constitution.
At sa mga pagdinig na ‘yan, pangunahing layunin ay makahabol tayo sa mabilis na progreso ng mga karatig-bansa natin sa Asya, gayundin sa buong mundo.
Kung dati-rati, mas abanse ang Pilipinas kumpara sa mga kalapit-bansa nito, ngayon, makaraan ang ilang dekada, malayo na ang kanilang agwat sa atin lalo na kung ang pag-uusapan ay ang estado ng ekonomiya.
Sinimulan ng ating subcommittee ang deliberasyon sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 nitong nakalipas na dalawang linggo upang dinggin ang mga panukalang pag-amyendasa tatlong probisyon ng Saligang Batas – upang buksan sa mga dayuhang mamumuhunan ang public utilities, education at advertising.
Sabihin man nating hindi popular ang suhestiyong buksan din sa foreign ownership ang sektor ng edukasyon, malaki ang maitutulong nito sa pangarap nating maging isang bansang industrialized. At paglilinaw po — tanging ang higher education lamang ang nilalayong amyendahan at hindi ang basic education.
Marami po kasi ang nalilito sa sakop ng RBH No. 6 ukol sa liberalisasyon ng naturang sektor — kung inyo pong mabababasa ang nilalaman ng resolusyon, wala po sa intensyon nito na buksan sa foreign ownership ang basic education. Ang basic education ay manananatili sa pangangasiwa at pagpapatakbo ng mga Pilipino.
Ang layunin lang naman natin sa proposisyong luwagan ang mga restriksyon sa higher education sector ay para maibahagi ng mga pamoso, at tinitingalang educational institutions sa buong mundo ang kanilang mataas na antas na kaalaman at know-how sa ating mga mag-aaral at sa mga industriyang kukuha sa kanilang mga serbisyo. Makatutulong ito upang mas maging produktibo at competitive ang ating mamamayan at siyempre, ang buong bansa.
Uulitin lang po natin ang palagi nating sinasabi – hindi po solusyon sa lahat ng problema ng ating bansa ang pagbabago ng ating Saligang Batas.
Hindi rin natin sinasabi na ito ang pangunahing pangangailangan ng mga foreign investor para mamuhunan sa Pilipinas. Ang kauna-unahang bagay na makatutulong pa rin sa ating pag-unlad ay ang pagbura sa korapsyon at sa bureaucratic red tape. Dahil kung mananatili ang mga ito, kahit ilang ulit pa siguro nating galawin o baguhin ang Konstitusyon, wala pa ring mangyayari.
Ang mga pagsisikap na mareporma ang edukasyon ay kailangang kaagapay din ng pag-develop sa industrialization policies. At nabanggit natin ito, umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay lagdaan na ni Pangulong Marcos ang ating pet bill – ang Tatak Pinoy bill na reresolba sa kakulangan natin ng ecosystem sa iba’t ibang industriya sa bansa.