ANTETOKOUNMPO BAYANI NG BUCKS

BINURA ng Milwaukee Bucks ang 18-point deficit at umiskor si Giannis Antetokounmpo ng go-ahead layup, may dalawang segundo ang nalalabi sa regulation, upang maungusan ang bisitang  Charlotte Hornets, 127-125, Lunes ng gabi.

Nakopo ng Milwaukee ang ika-8 sunod na panalo makaraang ma-outscore ang Hornets, 67-57, sa second half para makumpleto ang comeback matapos na hindi makalamang sa loob ng halos 34 minutong aksiyon.

Tumira si Charlotte’s Miles Bridges sa buzzer, ngunit nagmintis para malasap ng Bucks ang ika-6 na sunod na panalo sa home.

Nakalikom si Antetokounmpo ng 40 points, 12 rebounds at 9 assists. Nagdagdag si Khris Middleton ng 21 points para sa Bucks.

Nagbuhos si Charlotte’s LaMelo Ball ng career-high 36 points bukod pa sa 9 assists at 5 rebounds habang tumapos si Kelly Oubre Jr. na may  25 points para sa Hornets.

CAVALIERS 111, HEAT 85

Tumipa si Kevin Love ng game-high 22 points mula sa bench at pinutol ng Cleveland ang 20-game, decade-plus-long losing streak sa mga larong ginawa sa Miami.

Bumuslo si Duncan Robinson ng Miami ng  0-for-7 mula sa floor at hindi nakaiskor. Ito ang tumapos sa kanyang 69-game streak na may kahit isang three-pointer, na second-longest active streak sa NBA.

Bago ang laro nitong Miyerkoles, ang pinakahuling panalo ng Cleveland sa Miami ay noong Jan. 25, 2010.

MAGIC 108,

NUGGETS 103

Nagsalansan si Cole Anthony ng 24 points, 8 rebounds at 7 assists sa matagumpay na pagbabalik sa lineup at naipasok ni Franz Wagner ang go-ahead triple, may 1:45 ang nalalabi nang gapiin ng Orlando ang Denver at tapusin ang seven-game losing streak.

Ang 3-pointer ni Wagner ang nagbigay sa Magic ng kanilang unang kalamangan sa  106-103. Sumablay si Will Barton sa off-balanced triple mula sa left wing, at isinalpak ni Anthony ang dalawang free throws makaraang ma-foul sa rebound para selyuhan ang talaan.

Tumapos si Wagner na may 15 points at isa sa anim na Magic players na nagtala ng  double figures.

Tumipa si Nikola Jokic ng 18 points, 15 rebounds at 7 assists para sa Nuggets, habang nag-ambag si Aaron Gordon ng 17 points sa kanyang pagbabalik sa Orlando.

Sa iba pang laro: Celtics 88, 76ers 87; Hawks 114, Pacers 111; Rockets 114, Thunder 110; Wizards 115, Timberwolves 107; Mavericks 139, Pelicans 107; Kings 124, Clippers 115.