NAGSAGAWA ng anti-colorum operation kahapon ang Inter-Agency Council for Traffic (IACT) sa area ng Cavite patungong southern Metro Manila dahilan kung kaya daan-daan na namang mga mananakay mula sa Cavite patungong Pasay, Parañaque, Muntinlupa, Makati City at Maynila ang naistranded dahil sa transportation shortage kahapon.
Ang naturang anti-colorum operation na ikinasa nang pinagsanib na puwersa ng kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA); Department of Transportation (DOTR); Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO).
Inirereklamo na ng maraming commuters ang pahirapan nang pagsakay na kanilang nararanasan tuwing umaga dahil sa araw-araw na anti-colorum operation na isinagawa ng grupo.
Ang mga commuter na apektado sa nabanggit na transportation shortage ay ang mga nagmumula sa Cavite area patungong Pasay, Parañaque, Muntinlupa, Makati City at Maynila.
Sinabi ng mga mananakay na halos kalbaryo araw-araw ang kanilang nararanasan dahil sa sobrang hirap nang kanilang pagsakay.
Ayon naman sa IACT dapat aniyang sumulat sa kanilang tanggapan ang mga apektadong mananakay para maibsan ang kanilang problema at mapunan ang kakulangan ng kanilang masasakyan.
Sinabi ng IACT na lalo silang maghihigpit dahil hindi nila titigilan ang panghuhuli sa mga colorum at mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Ang IACT ay binuo ng gobyerno kontra colorum at lahat ng uri nang paglabag sa batas trapiko na ang pangunahing layunin ay maipatupad ang traffic reduction sa buong Metro Manila. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.