ANTI-COVID DRUG LIBRENG IPAMIMIGAY

HINIKAYAT ng pamahalaan lokal ng Maynila ang lahat ng mga doctor at health frontliner na ipaalam sa pasyente na puwedeng makakuha ng anti-COVID drug na Molnupiravir nang libre kahit hindi sila taga-Maynila.

Kabibili pa lamang ng 40,000 capsules na Molnupiravir ng pamahalaang lungsod na unang batch pa lamang ang dumating na order makaraang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang 200,000 capsules ng 200 mg Molnupiravir na puwede bilhin sakaling maubos na ang nasabing gamot.

Tatlong simpleng requirements lang ang kailangang gawin na kinabibilangan ng: dalhin ang reseta na ibinigay ng lisensyadong doktor para sa nasabing gamot, resulta ng RT-PCR at photocopy ng valid ID ng pasyente o ng kanyang kinatawan.

Ipinaliwanag pa na parehong sistema rin ang ginawa noong namigay ang pamahalaang lungsod ng libreng Remdesivir at Tocilizumab. Matatandaan na inagapan ng lokal na pamahalaan ang pagbili ng mga nasabing gamot dahil sa antisipasyon ng pagtaas ng kaso ng COVID. Ang dalawang nabanggit na gamot ay mahirap hanapin at ubod ng mahal.

Napag-alaman na kailangan pang maghintay ng isang buwan ang Maynila bago makapag-order ng 40K na kapsula ng Molnupiravir 40,000. Ang nasabing gamot ang siyang kaunahang anti-COVID medicine na inaprubahang inumin at puwedeng i-uwi sa bahay, hindi katulad ng ibang gamot kailangang idaan sa injection ng healthcare professionals.

Maaring makakuha ng libreng Molnupiravir sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan kina Dr. Poks Pangan at Dr. Ed Santos, pinuno at pangalawang pinuno ng Manila Health Department o maaari ding dumiretso sa Sta. Ana Hospital at sa Director nitong si Dr. Grace Padilla .

Ang nasabing gamot ay kailangan na dumaan sa FDA para sa dispensation nito at ospital ang magbibigay nito na mayroong CSP. Ganito rin ang ginawa ng Maynila sa kaso ng Remdesivir at Tocilizumab, pati na rin ng ibang ospital.

Ibinibigay ang Molnupiravir sa pasyenteng mayroong mild hanggang moderate na COVID-19 limang araw matapos lumabas ang sintomas. VERLIN RUIZ