(Anti-Duterte video inaming scripted, LP binira sa rebelasyon) ‘BIKOY’ SUMUKO, PROJECT SODOMA IBINULGAR

Bikoy

CAMP CRAME – MAKARAANG sumuko sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) pinagbigyan ng pulisya na makapanayam ng media si Peter Joemel Advincula, nagpakilalang si Bikoy na naging narrator ng serye ng anti-Duterte video.

Sa kanyang pagharap sa Camp Crame kahapon, inamin ni Advincula na scripted lamang ang “Ang Totoong Narco-list” video at ang nasa likod niyon ay ang Liberal Party at pina­nganalan ang pinaniniwalaan niyang promotor na si outgoing Senador Antonio Trillanes IV habang nabanggit din nito sa nasabing pulong balitaan si Vice President Leni Robredo.

Motibo aniya ng video na bahagi ng kanilang “Project Sodoma” ay para maging pangulo si Robredo at maging vice president si Trillanes.

Naging lugar aniya ng kanilang pulong ang  De La Salle University at ­Ateneo de Manila.

Binanggit din ni Advincula na dalawang beses nilang nakasama sa pulong  si Senator Riza Hontiveros habang nagkaroon siya ng link kay Trillanes sa pamamagitan ng isang Father Albert Alejo.

Una nang lumutang sa Integrated Bar of the Philippines si Advincula at sinabing siya si “Bikoy,” ang narrator ng “Ang Totoong Narcolist” video na nag-uugnay sa First Family o sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa  pagbebenta ng ilegal na droga.

Tinukoy rin sa Bikoy video ang malaki umanong involvement o pagkakasangkot sa illegal drug trade ni dating Special Assistant to the President at ngayon ay Senator-elect Bong Go.

PNP DUMEPENSA SA PAGPAYAG NA MAKAPANAYAM NG MEDIA SI ADVINCULA

Humiling si Peter Joemel Advincula na nagpakilalang Bikoy, na magsalita sa harap ng media para humingi ng tawad sa publiko sa kanyang mga ginawang paninira sa pamilya Duterte sa pamamagitan ng “Ang Totoong Narco-listv” video.

Ito ang dahilan kung bakit pinayagan ni PNP Chief, General  Oscar Albayalde si Advincula na magsalita sa harap ng media sa loob ng Camp Crame.

Paliwanag pa ni PNP Chief, kusang loob na sumuko si Advincula sa PNP dahil alam nitong pinaghahanap na siya ng mga awtoridad, dahil may  existing  warrant of arrest ito sa kasong estafa.

Sa ngayon aniya mananatili sa kanilang kustodiya si Advincula hanggang sa makapagpiyansa ito sa kanyang kaso.

Ginawa ni PNP Chief ang paliwanag matapos ang pagkuwestiyon na dapat ay apolitical ang PNP matapos na una itong payagang magsalita sa IBP kung saang nakuwestiyon ang kredibilidad ng IBP.

Giit ni Albayalde, nanatiling apolitical ang PNP anuman aniya ang mga ibinunyag ni Advincula ay walang kinalaman ang PNP at ipapaubaya nila ang burden of truth dito.

Karapatan aniya ni Advincula ang ilabas ang kanyang saloobin at karapatan din daw nito na magkaroon ng police protection kung hihiling ito.

Sinabi pa ni PNP chief na kahit sino pa ang humi­ling sa kanila ng ganitong request ay kanila itong pagbibigyan.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy kung talagang si Peter Joemel Advincula ang totoong si alyas bikoy na nasa “Ang Totoong Narco-list” video. REA SARMIENTO