ANTI-ENDO IBINASURA NI DU30

Duterte-42

IBINASURA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure (SOT) bill na kilala rin sa tawag na anti-endo bill dahil sa ‘sweeping expansion’ na maaaring ikonsiderang labor-only contracting, na makasasama kapwa sa mga manggagawa at negosyo.

Sa kanyang two-page veto message na ipinadala sa Kongreso kahapon, sinabi ng ­Pangulo na hindi niya nilagdaan ang landmark measure dahil “hindi makatuwirang pina­lalawak nito ang scope at defintiion ng ipinagbabawal na labor-only contracting”.

“I believe the sweeping expansion of the definition of labor-only contracting destroys the delicate balance and will place capital and management at an impossibly difficult predicament with adverse consequences to the Filipino workers in the long term,” paliwanag ni Duterte.

Nakasaad sa bill na nagaganap ang labor-only contracting kapag ang job contractor, lisensiyado man o hindi, na nagre-recruit at nagsusuplay o nagpapadala ng manggagawa sa isang contractee ay walang malaking capital o investment “in the form of tools, equipment, machineries, work premises, among others”.

“Labor-only contracting also applies in a situation where the workers recruited and supplied or placed by such person are performing activities which are directly related to the principal business of the contractee or are under the direct control and supervision of the contractee,” ayon pa sa bill.

Sa kabila ng pag-veto sa anti-endo bill ay binigyang-diin ng Pangulo na nananatili siyang ‘committed’ sa pagsugpo sa lahat ng uri ng mapang-abusong employment practices at sa pagprotekta sa karapatan sa security of tenure ng mga manggagawa.

“Our goal, how­ever, has always been to target the abuse, while leaving businesses free to engage in those practices beneficial to both management and the workforce,” aniya.

Binigyang-diin din niya na kailangang magkaroon ng ‘healthy balance’ sa pagitan ng conflicting interests ng mga obrero at employer.

Sinabi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hihilingin niya kay Sen. Joel Villanueva, chairman ng Senate labor committee, na muling maghain ng anti-endo measure. Nangako naman si Villanueva na ipagpapatuloy ang ilang dekada nang pakikipaglaban upang mawakasan ang illegal contractualization.

Iginiit niya na sinikap nilang mga mambabatas na maging patas at maprotektahan ang hanay ng mga manggagawa, at maging ang mga negosyante.

Dismayado rin si TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza sa ginawang pag-veto ni Pangulong Duterte sa anti-endo bill at nangakong muli niyang ihahain ang panukala ngayong 18th Congress.

Ikinatuwa naman ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) ang pag-veto ni Pangulong Duterte sa Security of Tenure bill.

Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, ngayong tuluyan nang ibinasura ni Pangulong Duterte ang nasabing panukala, kanilang titiyaking tulu­yan nang mawawala ang endo sa buong bansa.

Iginiit ni Ortiz-Luis na sapat na ang mga kasalukuyang batas laban sa illegal labor practices at kinakaila­ngan lamang ng mas mahigpit na pagpapatupad nito.

Una nang sinabi ng ECOP na posibleng magresulta sa pagkalugi sa negosyo at pagkawala ng trabaho ang pagsasabatas sa Security of Tenure bill. PILIPINO Mirror Reportorial Team