ANTI-ENDO SA PRIVATE SECTOR APRUB NA SA 2ND READING

ANTI ENDO

PASADO na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7036 o ang Security of Tenure Act na layong palakasin ang karapatan ng mga empleyado at mangaggawa sa pribadong sector.

Pinagtibay sa viva voce voting ang panukala  na nagbabawal sa kontraktwalisasyon sa private sector at nag-aamyenda sa Presidential Decree No. 442 o Labor Code of the Philippines.

Sa ilalim ng panukala ay kinokonsidera  lamang ang ‘labor-only’contracting kung ang contractor ay walang sapat na puhunan o investment para sa tools, equipment, machineries, at work premises; walang kontrol sa paraan ng mga manggagawa na tuparin o tapusin ang trabaho; at kung ang mga manggagawa na na-recruit at naitalaga para sa trabaho ay direktang may kaugnayan sa pangunahing negosyo ng employer.

Mahigpit na ipinagbabawal ang fixed-term employment maliban sa mga kaso ng OFWs, mga worker na nasa ilalim ng probation at mga reliever na gumaganap na pansamantalang kapalit ng isang regular na empleyado.

Inoobliga rin sa panukala na mabigyan ng pantay na benepisyo ang mga reliever, project at seasonal employee katulad sa mga regular employee.

Pinabibigyan din ng lisensiya ang mga job contractor  at papatawan naman ng parusa ang mga wala nito.

Matatandaang nauna nang na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon ang anti-endo bill sa katuwirang malawak ang scope at definition ng pagbabawal sa labor-only contracting gayong may mga uri umano ng kontraktwalisasyon na hindi naman ‘unfavorable’ o salungat para sa mga empleyado at manggagawa.  CONDE BATAC

Comments are closed.