PINABAKBAK ni Bulacan Gobernador Daniel R. Fernando ang lahat ng sira, luma at hindi namamantineng mga tarpaulin na nakalagay sa mga daan, bakanteng lote at iba pang pampublikong parke o lugar kabilang na ang mga nakasabit sa puno at poste sa kaniyang nasasakupang lalawigan.
Sa bisa ng Executive Order No. 002-2019 na sarili niyang bersiyon ng batas na ‘anti-epal,’ iniutos ni Fernando na bantayan ang mga tarpaulin na nakapaskil sa buong lalawigan na walang konsiderasyon sa kung saan ito dapat ilagay at iskedyul ng pagtatanggal na nakadaragdag sa basura sa lalawigan.
Isinaad din ni Fernando sa EO na nililimitahan ang pagpapaskil ng lahat ng mga promotional material bilang suporta sa proyektong pangkalinisan sa Bulacan.
Kaugnay nito, inilabas din niya ang EO No. 005-2019 na hinggil sa mga panuntunan sa pagpapaskil ng mga pabatid, tarpaulin at iba pang patalastas sa lalawigan at pinangunahan ang pagtatanggal ng mga tarpaulin na nakalagay sa mga poste sa Bocaue nitong Martes.
Ayon pa sa gobernador, na ang mga EO na ito ay mahigpit na pagpapatupad sa mga nauna ng panlalawigang kautusan bilang 02-2012, 006-2002, at 001-1996 o ang Provincial Administrative Code of Bulacan kung saan naroon din hindi lamang ang tagal ng ilalagi ng mga ipapaskil kundi maging ang kaukulang multa at parusa na hindi bababa sa P1,000 at hindi lalagpas sa P5,000 o pagkabilanggo.
Sinabi rin ni Fernando na ang mga makokolektang multa ay hahatiin sa barangay, munisipyo at pamahalaang panlalawigan. A. BORLONGAN
Comments are closed.