ANTI-HAZING LAW, BIGYANG PANGIL-PAO CHIEF

PINAREREBISA ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta ang Anti-Hazing Law bunsod ng sunod sunod na pagkamatay ng ilang estudyante sa mga unibersidad.

Sa ginanap na press conference sa Quezon City, hiniling mismo ni Acosta na repasuhin ng mga mambabatas ang nabanggit na batas bunsod ng mga serye ng karahasan sa mga estudyante na nauuwi sa brutal na kamatayan dulot ng hazing.

Kabilang na rito ang pagkamatay ng biktimang si Ronnel Baguio, 20 anyos, 2nd year marine engineering student ng University of Cebu.

Idinulog ng inang si Leny Baguio sa PAO office ang kaso ng pagpatay sa kanyang nag-iisang anak kung saan hinihinalang mga miyembro ng Tau Gamma Phi ang nasa likod ng malagim na pagpaslang dito.

Binigyang diin ni Acosta na hindi mangyayari ang naturang krimen kung mayroon lamang pangil ang Anti-Hazing Law at kung ito’y naipatutupad nang husto.

Handa ring silipin ng PAO ang mga unibersidad na maaaring madawit dahilan sa loob mismo ng kanilang campus madalas mangyari ang recruitment ng mga fraternity.

Aniya, maaaring habulin kahit civil damages ang mga paaralan gayun din ang school administrators nito dahilan sa kanyang tingin ay may pananagutan din ang mga unibersidad.

Kamakailan lamang isang estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig ang binawian ng buhay dahil sa tinamong mga palo sa initiation rites.

Sinabi ni Acosta na nararapat ay murder ang ikaso sa mga brutal na nasa likod ng pagpaslang sa mga biktima.

Sinabi pa nito na hindi nila tatanggapin ang paglapit sa kanila ng mga suspect para ipagtanggol ang mga sarili sa

kaso.

“Hindi namin sila tutulungan, conflict of interest yan. Lumapit sila sa mga private lawyers. Ang lakas ng loob nilang mangbugbog tapos ngayon lalapit sila sa PAO? Eh, nauna ‘yung mga biktima eh,” wika pa ni Acosta. BENEDICT ABAYGAR, JR.