IHIHINTO na ng Department of Health pagbibigay ng anti-HIV drugs na lopinavir at ritonavir sa mga nakaospital na pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pahayag ng World Health Organization (WHO) na ititigil na nila ang trials sa naturang anti-HIV drugs, gayundin ang anti-malaria drug na hydroxychloroquine, dahil sa pagkabigong makabawas sa mortality rate ng COVID-19.
“Based on the recent evidence and recommendations from our experts, we will be stopping the use of lopinavir and ritonavir among hospitalized patients,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang mensahe.
Ayon kay Vergeire, una na nilang itinigil ang paggamit ng hydroxychloroquine matapos na sabihin ng WHO na hindi ito epektibo na panlaban sa sakit na dulot ng virus.
Matatandaang kalahok ang filipinas sa Solidarity Trial na isinasagawa ng WHO upang matukoy ang bisa ng apat na gamot laban sa COVID-19, kabilang dito ang hydroxychloroquine, remdesivir, anti-HIV drugs na lopinavir at ritonavir o kumbinasyon ng dalawa at interferon.
Dahil sa pagtitigil sa paggamit ng mga naturang gamot, ang gagamitin na lamang ng Filipinas sa trial ay ang remdesivir at interferon.
“We will have remdesivir plus interferon as the new regimen vs remdesivir alone vs interferon alone and standard of care once shipment of interferon arrives,” aniya.
Nitong Huwebes, una nang sinabi ni Vergeire na nakitaan nila ng positibong epekto ang antiviral drug na remdesivir sa mga pasyente ng COVID-19 na gumagamit nito, ngunit nilinaw na hindi pa rin ito konklusibo hanggang sa ngayon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.