ANTI-OVERLOADING POLICY SA TRUCKS, IPINATUTUPAD

Atty Ariel Inton

TINUTULAN ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang napipintong muling pagpapalawig ng suspensiyon ng Anti-Overloading Policy ayon sa RA 8794 sa mga truck at trailer bunsod ng patuloy na panganib na idinudulot nito sa local at national roads.

Ayon kay LCSP president Atty. Ariel Inton, sobra na at dapat nang ipatupad ang nasabing polisiya sa gitna ng planong pagpapalawig ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsususpinde sa pagpapatupad nito.

Pinuna ni Inton ang gagawing ekstensiyon ng dalawang ahensiya ng pamahalaan kasunod ng napaulat kamakailan na isang dump truck na may kargang buhangin na gagamitin sana sa rehabilitasyon ng Manila Bay ang biglang lumubog at nahulog nang bumigay ang dinaraanan nitong kalsada sa kanto ng Ro­xas Avenue at Remedios Street, Manila.

Ang 14-wheeler truck ay may dalang bigat na 42 tonelada na dumaan sa secondary road na kaya lamang ang 20 tonelada na bigat.

Aniya, sobra na ang pinsalang ginagawa ng mga overloaded trucks sa mga kalsada at aksidenteng idinudulot nito kung kaya’t nararapat lamang na itigil ang paulit-ulit na pagsuspinde ng polisiya at sa halip ay agarang ipatupad ito.

Nabatid na ilang beses nang pinagbigyan ng DOTr at DPWH ang mga may-ari ng malalaking trucks upang makapag-comply sa international weight standards.

“To give haulers and truckers ample time to acquire additional equipment that can meet the latest maximum allowable gross vehicle weight for trucks and trailerswith a total of 18 and 22 wheels,”  nakasaad sa paliwanag ng dalawang ahensiya.

Nauna rito, binigyan ng inisyal na taning noong Hunyo 30, 2017, kung saan ni-reset ng Enero 1, 2019 at hanggang ngayong araw na lamang ang deadline subalit plano itong palawigin.

“Puwede pa rin naman silang mag-comply kahit ipinatutupad na ang batas at kung hindi pa sila compliant sa batas, simple lang, bawasan ang load at hindi na sila overloaded,”  pahayag ni Inton.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.