KUNG may batas tayo na nangangalaga sa mga kabataan kontra pang-aabuso, dapat may kahalintulad ding batas na magiging proteksiyon sa kapakanan at kaligtasan ng ating mga nakatatanda.
Ito ang pahayag ni Senador Sonny Angara sa kanyang pagsusulong ng isang panukalang batas na naglalayong tuldukan ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa senior citizens.
Sa ilalim ng kanyang Senate Bill 1012, hiniling ni Angara ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga mapatutunayang nang-abuso sa nakatatanda, gayundin ang pagpapalakas sa suporta ng estado sa senior citizens na biktima ng pang-aabuso.
“Kilala tayong mga Filipino sa buong mundo bilang mga magalang sa matatanda. Nakalulungkot na dumarami na ang mga insidente ng senor citizens abuse ngayon sa ating lipunan,” ani Angara, isa sa mga awtor ng Expanded Senior Citizens Act at ng Universal Social Pension bill.
Layunin din ng panukala ng senador na linawin kung ano-ano nga ba ang mga maituturing na uri ng pang-aabuso sa nakatatanda na may katumbas na karampatang parusa. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod: 1) pananakit o physical abuse; 2) panghahalay o sexual abuse; 3) psychological abuse; 4) economic abuse tulad ng pagkuha sa pensyon nang walang pahintulot ng isang senior citizen o kaya nama’y pagwawaldas ng ibang tao sa kanyang pera o paggamit sa kanyang mga ari-arian nang walang pahintulot at 5) pagpapabaya sa kalusugan at kalagayan ng isang senior citizen, tulad nang ‘di pagpapakain sa kanya nang maayos o ‘di kaya’y hinayaan na lamang itong magpagala-gala at wala nang matirhan.
Sa ilalim ng panukala ni Angara, anim hanggang 12 taong pagkabilanggo ang ipapataw sa sexual at psychological abuses habang mula anim na buwan hanggang anim na taong pagkabilanggo naman sa mga mapatutunayang nagkasala ng economic abuse. Para sa mga nagpabayang kaanak o guardian ng seniors, sila ay maaaring makulong nang mula isa hanggang anim na buwan.
“Mahigit pitong milyon na ang senior citizens natin sa ngayon at dapat lang na bawat isa sa kanila ay kalingain natin. Gaya ng batas na nagbibigay ng espesyal na proteksiyon sa mga kabataan, dapat, mayroon din tayong batas na mangangalaga sa ating mga nakatatanda upang masigurong maiiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso sa kanila,” ani Angara.
Kilala ang ama ni Angara, si dating Senate President Edgardo Angara, bilang “Ama ng Senior Citizens Law” – ang batas na nagbibigay diskuwento at benepisyo sa ating seniors.
Layunin pa rin ng panukala ng senador ang pagkakaroon ng senior citizens help desk na magkakaloob ng agarang tulong sa mga nakatatanda na biktima ng anumang uri ng pang-aabuso. VICKY CERVALES
Comments are closed.