CAMP AGUINALDO- UMAPELA ang Department of National Defense (DND) sa publiko na bigyang pagkakataon ang Anti-Terrorism Act of 2020.
“We appeal to the public to give this law a chance and not to be swayed by misinformation and disinformation. We urge everyone to read and understand the law,” pakiusap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Una nang ikinagalak ni AFP chief of Staff Gen. Felimon T. Santos ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing batas noong isang linggo.
Sinabi naman ni Lorenzana na kailangan ng mga law enforcement agencies na mapagkalooban sila ng kinakailangang kapangyarihan para masupil at durugin ang terorista.
“Titiyakin namin sa sambayanang Filipino na mahigpit naming ipatutupad ang batas na ito base sa layunin at diwa nito”, ani Lorenzana.
Samantala, sinabi ni National Security Adviser, Sec. Hermogenes Esperon Jr. na dapat basahing mabuti ang nilalaman ng batas upang hindi maligaw.
Seguridad ng bansa at buong Filipino aniya ang motibo ng batas kaya hindi dapat katakutan.
Panawagan din nito na hindi naman puntirya ang batas ang aktibismo (activism) dahil hindi naman aniya ito terorismo.
“Noong ako ay nasa highschool, nasangkot din ako sa activism pero hindi naman nangangahulugan na terorismo ang aming gawain at nauunawaan ng gobyerno ang activism,” paliwanag ni Esperon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.