‘ANTI-VOTE BUYING TEAMS’ IKAKASA NG PNP

INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya na bubuo umano ang Philippine National Police (PNP) ng mga grupo na tutugon sa mga insidente ng vote buying kaugnay ng May 9 national and local elections.

Ayon kay Malaya, isang memorandum ang nakatakdang ipalabas upang gawing available ang mga ‘anti-vote buying teams’ sa mga lungsod at congressional districts.

Aniya, ang mga naturang team ang maaa­ring lapitan at tawagan ng mga taong may reklamo hinggil sa pamimili ng boto.

“Today (Miyerkules), we expect to issue a memorandum to the Philippine National Police to create dedicated anti-vote buying teams in each of the cities in the country and in each of the congressional districts,” ani Malaya.

“So that when there are complaints from people, meron po silang tatawagan. May tatawagan ‘yung ating mga kababayan na special team na siyang aaksyon doon sa mga reklamo on vote buying,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Malaya na noong mga nakalipas na halalan, marami silang natatanggap na reklamo ngunit ang mga ito ay ipi­nu-forward lamang nila sa Commission on Elections (Comelec) at hindi naman nila nalalaman kung naaaksiyunan ang mga naturang reklamo.

Idinagdag pa ng DILG official na ang intensiyon ng departamento na magkaroon ng anti-vote buying teams sa ground ay upang agad na maaksiyunan sakaling may ulat nang pamimili ng boto sa komunidad.

Matatandaang una na ring lumikha ang Comelec ng Task Force Kontra Bigay para sa na­lalapit na halalan upang tugunan ang problema sa vote buying.

Ang naturang task force ay pinamumunuan ni Comelec Commissioner Aimee Ferolino. EVELYN GARCIA