NAKATAKDANG gawin ng simbahang katoliko na sentro ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria ang Diocese ng Antipolo.
Ayon kay Antipolo Bishop -designate Ruperto Santos, bilang tahanan ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage – ang kauna-unahang international shrine sa Pilipinas ay nararapat na isulong ang higit na pagdedebosyon sa Mahal na Ina na gagabay tungo sa landas ng Panginoong Hesus.
“Maging center ng cultural, theological at Marian conferences and congresses ang Antipolo para mas lumawak at lumalim ang debosyon sa Mahal na Birhen,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Mayo 24, 2023 nang italaga ni Pope Francis si Bishop Santos na kahalili kay Bishop Francis De Leon makaraang magretiro nang maabot ang mandatory retirement age. PAUL ROLDAN