ANTONELLA BERTHE RACASA: PINAKABATANG FIDE MASTER

ANTONELLA BERTHE RACASA

DALAWANG hakbang na lang at makakamit ng pinakabatang Woman Federation International Des Eches (FIDE) Master na si Antonella Berthe Racasa ang kanyang pinakaaasam-asam na pangarap, ang maging youngest Grand Master sa buong mundo.

“Gusto ko pong ma­ging pinakabatang Grand Master sa buong mundo,” ayon kay Antonella. At para makamit iyon, kailangan niya munang malampasan ang Woman International Championship. Kapag nakamit ni Antonella ang nasabing titulo ay matatalo niya ang pinakabatang Grand Master na si Hou Yifan ng China.

Ayon kay Robert Racasa, ama at coach ni Antonella, si Hou Yifan ay naging Grand Master sa edad na 14. At dahil labing isang taong gulang pa lang si Antonella ay malaki ang tiyansang matalo nito ang record at maagaw ang titulo.

Bukod sa pagiging ama, chess enthusiast at coach ni Antonella, si Robert Racasa rin ang Ama ng Philippine Memory Sports. Isa rin itong Walking Human Calendar.

KAHILIGAN SA CHESS, NAGSIMULA SA PANONOOD

ANTONELLA BERTHE RACASA-2Sabihin mang Father of Philippine Memory Sports ang ama ni Antonella na si Robert Racasa, hindi pa rin umano ang ama ang naging dahilan ng pagkahilig niya sa chess.

Kuwento ng ating pinakabatang FIDE Master, siyam na taon nang mahilig siya sa chess. Nagsimula ito nang mapanood niya ang mga kaibigang naglalaro nito “Ita-try ko nga ‘to,” sa isip-isip ni Antonella habang nanonood.

Dahil dito ay inaral ni Antonella ang nasabing laro.

First time na naglaro si Antonella sa school, sa Academy of God’s Children at nag-champion ito. “Bago ako umalis ng bahay, sinabi ko kay Daddy na may laban ako,” kuwento ni Antonella. Pero hindi pa rin daw siya noon tinuturuan ng ama dahil nang mga panahong iyon ay may sakit ito.

Sa angking galing ni Antonella sa chess, nangyari ang hindi inaasahan. Sa pagsabak sa chess bilang first timer ay nag-champion ito.

“Wow imposible ‘to,” wika pa ni Antonella sa sarili nang manalo.

Nang makauwi, ibinalita nito sa ama ang pagkapanalo. Sa simula ay hindi naniwala si Ro­bert. Pinapuntahan pa nito ang school ni Antonella para alamin kung totoo ngang nag-champion ang anak.

At nang masiguro ngang nag-champion ang anak sa unang pagsali nito sa chess, saka na tinuruan ni Robert ang anak.

PINAKAMAHIRAP NA EXPERIENCE

Sa lahat ng bagay, hindi natin masasabing lagi tayong mananalo. Ilang beses din na natalo si Antonella. “Ngayon, hindi na ako umiiyak,” kuwento pa ni Antonella.

At isa sa pinakamahirap na experience para kay Antonella ay ang pagkakasakit bigla kung kailan may laban. Pero sa kabila raw nito, nagpo-focus pa rin siya. “Kaila­ngan mag-focus kahit na nilalagnat at nilalamig. Kapag may laro, hindi puwedeng mag-withdraw,” kuwento pa nito.

PAGIGING BATA, HINDI APEKTADO

ANTONELLA BERTHE RACASAKagaya pa rin ng ibang bata si Antonella. Ayon sa pinakabatang FIDE Master, na-e-enjoy pa rin niya ang kanyang kabataan o pagiging bata at hindi naman ito naaapektuhan sa paglalaro niya ng chess. Nagagawa pa rin niya ang maglaro at mag-aral. Maliban sa Linggo, araw-araw ay nagte-training siya ng dalawa hanggang tatlong oras.

Ilan pa sa paborito nito bukod sa paglalaro ng chess ay ang monopoly, scrabble, lego at uno.

Bukod pa rito, hilig niya rin ang pagbe-bake. Sampung taon siya nang makapag-bake ng cake para sa birthday ng kaibigan niya. At natutunan lamang niya ang paggawa nito sa pamamagitan ng panonood sa Youtube.

Matapos na makamit ang Pinakabatang Grand Master, pangarap ding maging chef ni Antonella.

PAGHAHANDA SA NALALAPIT NA LABAN

Masigasig sa pag-eensayo si Antonella para sa nalalapit niyang kompetisyon. Ilan sa mga pag­hahandang kanyang ginagawa ay ang pag-aaral ng iba’t ibang estratehiya sa paglalaro ng chess. Kasama rito ang panonood ng mga video ng iba’t ibang kompetisyon at pag-aanalisa sa mga ito.

Sinisigurado rin ng kanyang coach na maayos ang kaniyang kalusugan. Kasama sa paghahanda ang pag-eehersisyo tulad ng swimming at pagsasayaw.

Sinasabayan niya rin ito ng paglalaro sa labas kasama ang kanyang ama dahil naniniwala siya sa kasabihan na strong mind, strong body.

Sa darating na Nob­yembre 3-16, 2018, mu­ling ibabandera ni Antonella ang watawat ng Filipinas sa World Cadet Chess Championship na gaganapin sa Santiago de Compostela, Spain. Sa nasabing kompetisyon ay tatangkain nito na maiuwi ang titulong pinakabatang Woman International Master sa ilalim ng Under 12 Age Group.

“Never give up and keep on playing,” payo ni Antonella sa kagaya niyang  bata na gustong magtagumpay sa buhay at maabot ang mga pa­ngarap.

Bukod din sa fun game ang chess para kay Antonella, tinuturuan din siya nitong maging mapagpasensiya. CHE SARIGUMBA at MARY ROSE AGAPITO / Mga kuha ni RUDY ESPERAS

Comments are closed.