(Ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin ang antukin o laging pagod kahit na kagigising lang. Tila ba pagod na pagod at hindi nakapagpahingang mabuti noong nagdaang gabi.
Kunsabagay, marami nga naman sa atin ang tila hirap na hirap ang makatulog. Puwedeng dahil sa rami ng iniisip o trabaho, maaari rin namang may iniinda ang katawan.
Kaakibat ng nadarama nating pagkapagod at antok kahit sa umaga pa lang ay ang mga seryosong sakit. Pero mayroon din namang mga simpleng sa-kit lang na nakapagdudulot sa atin ng pagod at pagiging antukin. Ilan sa maaaring dahilan ng pagiging antukin at pagod ay ang mga sumusunod:
KAKULANGAN SA TULOG
Unang-una nga naman sa dahilan kung kaya’t ‘di maiwasang makadama ng pagod at antok ay ang kakulangan sa tulog. Nababawasan nga naman ang energy level ng isang tao kung late na itong nakatulog.
Kaya naman para magkaroon ng energy, siguraduhing nakatutulog ng mahimbing at nakapagpapahinga ng tama. Makatutulong din upang makatulog ng mahimbing kung ang lugar na pagpapahingahan ay komportable, madilim at tahimik.
ANEMIA
Puwede rin namang anemia ang dahilan kung kaya’t hirap na hirap kang matulog.
Dahilan ito ng iron o vitamin deficiency, blood loss, internal bleeding o chronic disease gaya ng rheumatoid arthritis, cancer o kaya naman kidney failure.
Ang sintomas nito ay ang pagiging pagod, panghihina, nahihirapang matulog, hindi makapag-concentrate, chest pain at headache.
Ang pagiging pagod nga naman sa bawat oras ay senyales ng vitamin deficiency. Maaaring mababa ang Vitamin D, Vitamin B-12, iron, magnesium, o kaya naman potassium.
Kaya naman, ugaliin ang pagpapakonsulta nang masiguro ang dahilan ng pagod at antok na pakiramdam.
RHEUMATOID ARTHRITIS
Isang autoimmune disease ang rheumatoid arthritis. Nangyayari ito kapag inaatake ng iyong immune system ang healthy joints na nagiging dahilan ng pagkasira ng bone at cartilage. Maraming sintomas ito gaya ng fatique, panlalambot, walang ganang kumain at joint pain.
DIABETES
Isa pa sa dahilan kung bakit nagiging antukin ang isang tao at laging pagod ay ang pagkakaroon ng diabetes. Sa bawat taon, halos mahigit sa isang milyon ang nada-diagnose na may type 2 diabetes. Ang glucose ang nagbibigay ng lakas sa ating katawan. At ang kakulangan ng glucose ang nagiging dahilan ng nadaramang pagod sa bawat oras. Ilan pa sa sintomas nito ay ang madalas na pagkauhaw, madalas na pag-ihi, laging gutom, blurred vision, pagiging irritable at pagbaba ng timbang.
SOBRANG TABA
Ang sobrang taba o pagiging overweight ang isa pa sa dahilan kung kaya’t laging nakadarama ng pagod at antok ang isang indibiduwal. Dahilan nito ay ang weight o bigat ng katawan. Dahil din sa bigat ng katawan kung kaya’t nahihirapang magampanan ng maayos ang isang gawain.
Kaya naman, kung antukin at laging pagod, baka naman overweight ka na. Magbawas o magpapayat ng kahit na kaunti.
Kahiligan din ang pagkain ng mga pagkaing masusustansiya gaya ng fresh fruits at vegetables.
DEPRESSION
Naaapektuhan nito ang ating pagtulog, pagkain at maging ang nararamdaman natin sa ating sarili. Tumatagal ito ng linggo, buwan at maging taon. Nagiging sanhi ito ng pagbaba ng enerhiya, nahihirapang mag-concentrate, feelings of hopelessness, worthlessness, at negativity.
STRESS
Panghuli sa maaaring dahilan ng palaging antukin at pagod ay ang stress. Ang chronic stress ang nagiging dahilan ng headaches, muscle tension, stomach problems at fatigue.
Kaya naman, kung ramdam mong stress ka na, gumawa ng paraan upang maiwasan o ma-handle ito ng maayos.
Maraming posibleng dahilan ng paggiging antukin at pagod. Ilan lamang ang binahagi namin sa inyo. Pero para pa rin makasiguro, kumonsulta sa doctor. (photos mula sa wowmagnepal.com, medium.stockflare.com at pharmacyinnovations.net)
Comments are closed.