(Ni CT SARIGUMBA)
HINDI nga naman maiiwasan ang stress at anxiety sa trabaho. Hindi rin mabilang ang dahilan kaya’t nararamdaman natin ito. Ilan nga sa factor na nagiging sanhi ng anxiety at stress ay ang kaliwa’t kanang trabaho na tila walang katapusan. Nariyan din ang pasaway na katrabaho at boss. At siyempre, mabagal na connection kung ang trabaho ay nakabase sa internet. Isama na rin natin ang nagbabagal na computer at laptop. Higit sa lahat, last minute na pagbabago ng trabaho.
Sa rami nga naman ng dahilan, talagang tatablan tayo ng stress at anxiety. Kaya naman, upang maiwasan ito o ma-handle nang maayos, narito ang ilang tips na puwedeng subukan:
HUWAG MASYADONG PAGTUUNAN ANG NAGIGING DAHILAN NG STRESS
Marami sa atin na paggising pa lang sa umaga, stress na kaagad. Paano, iniisip na iyong mga gawain. Iniisip na ang sangkaterbang trabahong kaha-harapin sa buong araw. Tapos idagdag pa ang traffic at init ng panahon, talagang maiinis ka at makadarama ng stress.
Unang-una, alam na naman nating marami tayong kailangang gawin sa trabaho. Ikalawa, hindi na rin bago sa atin ang traffic at matinding init ng panahon.
At dahil nga alam na natin ang mga nabanggit, hindi na dapat natin pang pinagtutuunan ng pansin ang mga iyon. Kumbaga, imbes na magpa-stress, e ‘di mag-isip na lang ng mas magandang solusyon.
Importante ring nalalaman natin ang dahilan ng nadarama nating stress nang masolusyunan natin ito at hindi na lumala pa ang kondisyon.
Tandaan din natin na kaakibat na ng ating buhay ang stress at hindi na tayo nito lulubayan. Ang magagawa na lang natin ay ang pag-iisip ng paraan upang ma-handle natin ito nang maayos.
ALAGAAN ANG SARILI AT MATUTONG MAG-RELAX
Kung puro nga naman trabaho ang aatupagin natin, talagang makadarama tayo ng stress, gayundin ng anxiety.
Sa totoo lang, kahit na sabihing mahal natin ang kung ano mang trabahong mayroon tayo, dumarating pa rin tayo sa puntong nabu-burnout.
Kaya naman, sa kabila ng pagtatrabaho natin ng sobra para sa sarili at pamilya ay huwag din nating kaliligtaan ang ating sarili. Marami ang ‘di alin-tana ang hirap para sa pamilya. Madalas pa nga, kahit na may sakit sila ay iniinda lang nila ito at ayaw magpa-check. Kumbaga ayaw gumastos para sa sarili at ilalaan na lang para sa pamilya.
Para maalagaan ang pamilya, mahalaga ring nasisiguro nating malakas at maayos ang ating kalusugan. Kaya naman, isipin din natin ang ating sarili at kapakanan.
Para rin makapag-relax, maganda rin kung mag-eehersisyo. Piliin lang ang ehersisyong nakapagdudulot ng ginhawa sa pakiramdam gaya na lang ng yoga at meditation.
Mood lifter din ang pag-eehersisyo. At kung healthy rin ang katawan ng isang tao, mababawasan ang nadarama nitong anxiety at stress.
LUMABAS AT MAKIPAG-USAP SA KAIBIGAN AT PAMILYA
Bukod sa pag-aalaga sa sarili, makatutulong din ang paglabas kasama ang mga kaibigan at pamilya.
Matapos nga naman ang magtrabaho ng buong araw, maaaring mag-coffee kasama ang mga kaibigan o katrabaho. Puwede rin namang mag-dinner kasama ang pamilya.
Malaki ang maitutulong ng mga kaibigan at kapamilya upang umayos ang ating pakiramdam at mabawasan ang stress.
Paminsan-minsan, lumabas kasama ang mga kaibigan at pamilya nang ma-refresh at magkaroon ulit ng panibagong lakas at pag-asang kaharapin ang problema—sa trabaho man o sa buhay.
MAG-FOCUS SA PANGARAP O NAIS MAABOT SA BUHAY
Lahat naman tayo ay mayroong mga pangarap sa buhay. Sa mga panahong nakadarama tayo ng stress at anxiety, isipin natin ang mga nais nating maabot sa buhay. Isipin natin ang ating pamilya. Huwag na huwag din tayong magpapatalo sa problemang kinahaharap natin. Imbes din na magmuk-mok, gumawa ng hakbang upang masolusyunan ang problema.
HUWAG MAGHANAP NG AWAY
Higit sa lahat, para rin maiwasan ang kahit na anong problema sa trabaho, iwasan din ang pakikipag-away.
Oo, maraming nakaiinis na katrabaho. Ngunit imbes na kainisan sila, mas mainam kung susubukan silang intindihin.
Lahat naman ng aksiyon ng isang tao, may dahilan. ‘Ika nga, nangyayari ang mga bagay ng may dahilan. Malay mo, kaya nakaiinis ang isang tao o katrabaho dahil may malalim itong pinagdaraanan sa buhay.
Matuto tayong umintindi. Matuto rin tayong magpatawad at makipagkapuwa-tao.
Sa buhay, marami tayong pagdaraanan. Pero lahat ng problema, lagi’t lagi iyang may solusyon. Kaya naman, solusyon ang hanapin natin sa kung ano mang pinagdaraanan natin at hindi ang panibagong problema. At ang stress at anxiety, i-handle natin nang maayos nang hindi maapektuhan ang ating kakayahan, gayundin ang ating buhay. (photo credits: foresightrecruitment.co.uk, number8.com, cbhs.com.au, psycom.net)
Comments are closed.