ANYARE KAY GUANZON?

NAGMISTULANG zarzuela ang Comelec ngayon dahil sa mga maiinit na pahayag na binitawan ni outgoing Comelec Commissioner Rowena Guanzon.

Noong nakaraang linggo, pinangunahan niya ang mga ibang kasamahan niya sa Comelec at ibinigay na niya ang kanyang desisyon upang madiskwalipika si presidential candidate Bongbong Marcos dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng buwis sa gobyerno mula noong 1982 hanggang 1985.

Marami ang nagsasabi na mali ang ginawang hakbang ni Guanzon. Hindi pa raw pinal ang pagsulat ng desisyon. Dahil dito, nagbigay ng karagdagang pangamba sa seguridad at integridad ng opisina nina Comelec Comm. Aimee Ferolino at Marlon Casquejo na bumubuo ng First Division sa pagdinig ng disqualification case laban kay BBM.

Nagbigay ng pahayag si Ferolina sa ginawang pangunguna na maglabas ng desisyon ni Guanzon. Ani Ferolino, panay ang tawag at text ni Guanzon sa kanya na tila iniimpluwensiya niya ang kanyang desisyon. Kulang na lang ay sabihin ni Ferolino na gusto ni Guanzon na pareho ang desisyon nila laban kay BBM.

Kaya naman tinatanong ko ang sarili ko. Bakit naging ganito ang aksiyon ni Guanzon na tila kung umakto ay siya ang chairman ng Comelec? Kulang na lang ay ilarawan si Guanzon na parang ‘bully’ ng Comelec. Kapag hindi sang-ayon sa gusto niya ay nagagalit.

May isang anggulo rin na kaya inilabas ni Guanzon ang kanyang desisyon bago magkaroon ng pinal na desisyon ang Comelec First Division bago sumapit ang ika-2 ng Pebrero kung saan magreretiro si Guanzon, mababale wala ang kanyang desisyon.

Ang kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na abogado ni VP Leni ay hindi rin pabor sa ginawa ni Guanzon. Ang kanyang opinyon sa ginawa ni Guanzon ay hiwalay sa pagiging abogado ni Robredo.

Para kay Macalintal, dapat ay parusahan si Guanzon ng pinangunahan niya ang opisyal na desisyon ng Comelec.

“Until and unless the decision is released to the public, the individual positions or votes or opinions of the commissioners are confidential,” ayon sa batikan ng election lawyer.

Sa ginawa ni Comm. Guanzon, sinira niya ang imahe ng Comelec bilang isang institusyon. Binigyan din niya ng kulay ang nasabing ahensiya ng gobyerno kung saan ay dapat patas at walang kinikilingan sa pagdinig ng election related cases.

Kung ating babalikan, si Guanzon ay isang politiko na nasa kampo ng dilawan. Naging mayor siya ng Cadiz City, Negros Occidental bilang OIC matapos ang 1986 EDSA Revolution ng pinatalsik ang mga Marcos. Sa murang edad na 28, siya ang pinak batang OIC mayor na na-appoint ng administrasyon ni Corazon Aquino.

Noong ika-8 ng Marso 2013, in-appoint naman ni dating Presidente Noynoy Aquino si Guanzon sa Commission on Audit kung saan ang kanilang chairperson ay si Ma. Gracia Pulido-Tan. Subalit kung nakalimutan ng iba, nahirapan si Guanzon na makakuha ng kumpirmasyon sa Commission on Appointments bago matapos ang termino ni PNoy.

Ito ay dahil sa isyu ng hindi pag-file ng kanyang SALN noong 2013 nung siya ang in-appoint bilang COA commissioner. Kinuwestiyon ito ni dating Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas. Nakita ng Ilokanong mambabatas na ang huling pag-file ni Guanzon ng kanyang SALN ay 2012 kung saan siya ay nagtuturo pa sa UP.

Aminado naman si Guanzon sa kanyang pagkukulang sa pag-file ng kanyang SALN. Hindi raw niya sinasadya ito at humingi ng paumanhin sa komite na parang maamong tupa. Subalit ipinaalala ni Fariñas na mahalaga ang pagsusumite ng SALN para sa mga public officials at inihalintulad ang nangyari sa dating Comelec Commissioner Grace Padaca na hindi pumasa sa CA dahil sa pagkabigo niyang mag-file ng SALN noong siya ang gobernadora ng Isabela.

Si Guanzon ay na-bypass ng CA ng tatlong beses nung siya ay COA Commissioner. Ang tsismis nga dati ay inilipat siya sa Comelec ni PNoy dahil hindi sila nagkakaintindihan ni COA Chairperson Pulido-Tan noon.