(Apat na dam binuksan) 75K KATAO NASA 566 NA EVACUATION SITES

NAPANATILI ng Super Typhoon Pepito ang lakas nito at posibleng pa rin makapinsala at maging banta sa buhay habang nagbabadyang manalasa sa hilagang bahagi ng Luzon bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Kahapon ay naglabas ng heavy rainfall warning ang PAGASA para sa malaking bahagi ng Luzon dahil sa bagyong Pepito matapos na mag- landfall sa Quezon.

Bilang paghahanda sa posibleng malawakang pagbaha ay binuksan ang gate ng ilang dam sa Luzon nitong Linggo ng umaga upang  magpakawala ng tubig bago pa magbuhos ng malakas na pag-ulan  si Pepito (international name: Man-Yi).

Kabilang dito ang Ambuklao, Binga, San Roque, at Magat dam.

Bukas ang apat na gate ng Ambuklao Dam sa Benguet na malapit na rin sa kanyang spilling level gayundin ang apat na gate ng Binga Dam sa Benguet  habang dalawang gate ng San Roque Dam ang binuksan at binabantayan naman ang  Magat Dam na nasa  181.93 metro na malapit na sa 193-meter spilling level.

Inaasahang magdudulot si Pepito ng heavy to intense rains (100-200 mm) sa Benguet, Pangasinan, at iba pang lugar sa hilagang Luzon simula kahapon araw ng Linggo, ayon sa PAGASA.

Samantala, bukod sa dalawang napa ulat na nasaktan bunsod ng bagyong Pepito ay umaabot naman sa 24,000 pamilya o 75,000 katao ang nananatili ngayon sa may 566 evacuation centers sa iba’t ibang panig ng bansa sanhi ng mga nakahilerang bagyo na tumama sa Pilipinas .

Bukod sa nasabing bilang ng evacuees ay may 36,000 o 11,000 pamilya naman ang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.

Ayon sa ulat ng National Risk Reduction and Management Council nitong Linggo ng umaga ay nasa 238,000 pamilya o 825,000  katao na ang naapektuhan ng Super Typhoon Pepito, karamihan dito ay nasa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol region at  Cordillera Administrative Region.

Isa 16 anyos na binatilyo ang naputulan ng kanyang daliri ng hampasin ng malakas na hangin ang pinto ng evacuation center sa Dilasag, Aurora habang isang 37 anyos na lalaki naman ang nasaktan dahil sa nylon rope sa Barangay Masagan.

May P469 million na ang inulat na inisyal na danyos sa imprastraktura sa Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera.

VERLIN RUIZ