APAT NA KAMPEON NG WIKA, PINARANGALAN NG KWF

KWF-3

Sa natatanging ambag sa pag-unlad ng mga wika ng Filipinas, kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang bagong Kampeon ng Wika sina Galileo S. Zafra, Mario I. Miclat, Joaquin Sy, at Dr. Michael M. Coroza.

Ang Gawad Kampeon ng Wika ay taunang parangal na ibinibigay ng KWF sa mga natatanging indibidwal, institusyon, o samahan na patuloy na bumubuhay at aktibong lumalahok sa pagtatagu­yod at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas sa iba’t ibang larangan o disiplina.

Ang mga ginawaran ng parangal na ito ay sina Gov. Vilma Santos-Recto at Cristy Fermin noong 2013, Alicia Magos, Eliza Uy-Grino, at Leoncio P. Deriada noong 2014; Merlie Alunan, Elvira B. Estravo, Rosa Maria Magno, Gloria I. Alday, Ma. Laarni L. Cayetano, at Lungsod Muntinlupa noong 2015; Resil Mojares, Fortunato B. Sevilla III, Noriam H. Ladjagais, Atty. Cesar Kilaton Jr., Adelino Sitoy, Dr. Erlinda Alburo, Rev. Fr. Immanuel Sison Escano, Orlando B. Magno, Jimmy B. Fong, at Serafin V. Cuevas noong 2016; John E. Barrios noong 2017; at Lucena P. Samson noong 2018.

DR. GALILEO S. ZAFRA, NATATANGING

ISKOLAR NG PANITIKAN AT WIKA

Sa larangan ng panitikan at wika, ginawaran ng KWF si Zafra dahil sa natatangi at komprehensibong saliksik sa panitikan at wika. Naglingkod siya sa mga organisasyong tagapagtaguyod ng wika, panitikan, at kulturang Filipino gaya ng Wika ng Kultura at Agham (WIKA), Filipinas Institute of Translation (FIT), Aram: Samahan ng Mananaliksik sa Kulturang Filipino, at National Research Council of the Philippines.

Nakatanggap na rin si Zafra ng mga pagkilala mula sa Unibersidad ng Pilipinas gaya ng One UP Professional Chair Award for Outstanding Teaching and Research (2019-2021), Professional Chair Holder Chua Giok Hong Professional Chair (2001-2002), at UP Chancellor Award Outstanding Published Research (2002).

Ang kaniyang aklat, Ambagan: Mga Salita Mula sa Iba’t Ibang Wika sa Filipinas (in-edit kasama si Dr. Michael Coroza) na inilimbag noong 2014 ay nakatanggap ng National Book Award Best Book in Translation Studies mula sa Manila Critics Circle at KWF noong Nobyembre 2015. Samantala, ang kaniyang akda Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya (1999) ay nakatanggap ng Gintong Aklat Award mula sa Book Development Board of the Philippines noong Setyembre 2002.

Kasalukuyang propesor si Zafra sa Department of Filipino and Philippine Literature sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

DR. MARIO I. MICLAT PARA
SA ARALING KULTURAL

Binigyan ng kakayahan ng mga saliksik ni Miclat ang wikang Filipino bilang wika ng araling kultural sa bansa. Naging patunay ang kaniyang mga akda na ang malalim na pagkaunawa sa ating sariling panitikan ay isang matibay na pundasyon sa multidisiplinaryong dulog sa pagtuklas sa katutubong karunungang Filipino.

Bukod dito, isinalin din niya ang ilang mahahalagang akdang pampanitikan mula sa mga katutubong wika tungo sa Filipino at wikang Chino tungo sa Filipino sa akda ni Cao Yu.

Noong 2013 ay ginawaran siya ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa katha sa Filipino at Ingles mula sa Un-yon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Ang kaniyang pagsasalin sa Taong Yungib ng Peking ay nakatanggap ng UP Press Centennial Publication Award noong 2008. Nakatanggap din siya ng natatanging pagkilala bilang Patnubay ng Sining at Kalinangan sa Larangan ng Panitikan (2006) mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

JOAQUIN SY BILANG TAGASALIN
AT TULAY NG DALAWANG KULTURA

Malaki ang naging ambag ni Sy sa pagsasalin ng ilang mga akdang Chino sa wikang Filipino, na naging daan para sa matatag na pagkakaunawaan ng dalawang kultura. Nagsilbi siyang tulay upang mas maintindihan ang búhay ng isang Filipino-Chino sa bansa.

Malaki rin ang naging ambag ni Sy para sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa mga iskolar sa Peking University at Beijing Language and Culture University. Nag-organisa rin siya ng mga programang pangwika na nagmobilisa ng mga iskolar na Filipino Chinese tungo sa aktibo nilang pakikilahok sa pagpapaunlad ng dalawang kultura.

Ginawaran siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas noong 2007 bilang Pambansang Alagad ni Balagtas. Sa kasalukuyan, si Sy ay tumatayong Direktor ng UMPIL, Philippine Association for Chinese Studies, at Association for Philippines-China Understanding.

DR. MICHAEL M. COROZA, ALAGAD
NG PANITIKANG FILIPINO

Malalim ang dedikasyon ni Coroza, hindi lamang sa panitikang Filipino, kundi pati sa musika at araling kultural. Bilang isang iskolar at guro ay naibahagi niya ang yaman ng tradis­yon ng panitikan at pagsasalin sa Filipinas. Bukod dito ay ginugugol din niya ang kaniyang panahon sa paglilingkod sa mga organisasyong pampanitikan at pangkultura sa bansa.

Nagkamit si Coroza ng walong pangunahing gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Noong Abril 2005 naman ay nakatanggap siya ng Gawad Francisco Ba­lagtas mula KWF samantalang binigyan naman siya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ng Ani ng Dangal Award noong Pebrero 2009. Ginawaran naman siya ng maharlikang pamilya ng Thailand ng Southeast Asia Writers Award (SEA Write Award) noong Oktubre 2007.

Kasalukuyang nagtuturo si Coroza ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, Pagsasaling Pampanitikan, at Araling Pangwika sa programang gradwado at di-gradwado ng Ateneo de Manila University sa ilalim ng Kagawaran ng Filipino, School of Humanities. Siya rin ay tumatayong Secretary General ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at tagapamuno ng National Committee on Language and Translation ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA).

Comments are closed.