CAMP KARINGAL, QC – APAT na itinuturong pumaslang kay Barangay Bagong Silangan Chairwoman Crisell Beltran ang naaresto ng Quezon City Police District (QCPD).
Habang lima katao rin ang inaresto na may kaugnayan sa kaso gaya ng obstruction of justice at naging kasabwat.
Ang mga suspek ay iniharap sa media kahapon nina QCPD Director, Chief Supt. Joselito Esquivel, National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Director Guillermo Eleazar at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief, Chief Inspector Elmer Monsalve.
Napatay sina Brgy. Bagong Silangan Chairwoman, Crisell Beltran at ang driver nito na si driver Melchor Salita sa Quezon City noong Enero 30.
Ang mga suspek ay sina Teofilo Formanes, 48, inspector sa Commonwealth Market, at ang mga magkakapatid na sina Ruel Juab, 38, delivery boy, Orlando Juab, 32, at Joppy Juab, 28, kapwa mga vendor.
Una nang inaresto si Formanes sa follow-up operation ng CIDU noong umaga ng Pebrero 1, sa likuran ng Commonwealth Market kasunod ng salaysay ng isang saksi sa pamamaril kay Beltran at itinuro ang kanyang mukha sa gallery ng rouges ng QCPD.
Ayon pa sa operatiba na siyang nagtungo sa Commonwealth Market na nakakita kay Formanes na lulan ng kanyang motorsiklo at handgun na nakasukbit pa sa kanyang baywang.
Nakumpiska naman sa suspek ang kalibre .9MM pistol na may serial No. 488990 at may lamang (9) live ammunition at black Yamaha Mio Sporty, motorcycle na walang plate number, (2) baseball caps, cellular phone at (3) radios.
Makaraan niyon ay itinuro ni Formanes ang kanyang mga kasama kaya agad nagsagawa ng operasyon laban sa Juab brothers na nagmamatigas na wala silang kinalaman sa pagpaslang kay Beltran.
Samantala, tatlo katao pa ang inaresto dahil sa kasong obstruction of justice na sina Miguel Juab, 26, Mangmang Rasia, 26, at Boy Fernandez, 52.
Inamin din ni Formanes sa mga pulis na isang Cosette Capistrano, ang nagtago ng kanilang mga gamit at dalawa pa ang pinangalanan na sina Warren Juab, pinsan ni Capistrano at isang Dutch Boy Bello na pawang nakatakas.
Sa pagdakip kay Capistrano ay sinamahan nito ang mga pulis sa Holy Spirit ngunit agad din itong sumigaw kina Warren at Bello kaya nakatakas ang dalawa habang ang misis ni Warren na si Angelie ay naaresto rin umano.
Haharap sa kasong murder, frustrated murder in relation to RA 7610, attempted murder, at illegal possession of firearms in relation to the Omnibus Election Code ang mga inaresto.
Samantala, nagkagulo naman sa gate ng Camp Karingal sa kasagsagan ng press conference nang hindi agad nakapasok si Cong. Bingbong Crisologo at anak na babae ni Beltran na nagnanais na makarahap ang mga itinuturong pumatay sa kapitana. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.