APAT NA SAPAT AT DAPAT TANDAAN TUNGKOL SA UBO

DR BUENSALIDO

Marami sa atin ngayon ang nakararanas ng ubo at iba’t ibang uri ng sakit na maaaring sintomas ng panibagong variant ng COVID-19 na Omicron. Bagamat hindi na ganoon kalala ang epekto ng Omicron dahil karamihan na rin ay bakunado na, nagpaalala pa rin ang isang eksperto sa kalusugan, si Dr. Joseph Adrian “Doc Jondi” L. Buensalido, MD, FPCP, FPSMID na hindi dapat ipagsawalang bahala ang mga nararanasang sintomas, lalo na ang ubo. Ito, aniya, ay dahil sa ngayong panahon ng pandemic, mas maigi na ituring agad ang ubo na sanhi ng coronavirus at totoong nakakahawa.

Sa isang etalk na ipinalabas sa GMA News Facebook page, GMA Brand Room, at Solmux Advance Facebook Page na pinamagatang “4 NA SAPAT AT DAPAT TANDAAN TUNGKOL SA UBO” na pinangunahan ni Suzi Entrata-Abrera, ipinaliwanag ni Doc Jondi ang mga importanteng impormasyon ukol sa ubo:

1. Ang ubo ay puwedeng makahawa. – Nilinaw ni Doc Jondi na mayroong ubo na nakakahawa ngunit may ubo rin na hindi. Ngunit pinaalala ni Doc na sa panahon ngayon, mas makabubuting tratuhin na maaaring sanhi ng COVID virus ang pag-ubo para maprotektahan ang pamilya. Binigyang diin ng infectious disease expert na importante na agarang mag-isolate at isaalang-alang na ang ubo ay mabilis makahawa sa mga taong nasa paligid. Magtakip ng bibig at magsuot ng face mask para maiwasan ang pagkalat ng sakit, lalo na kung ang sanhi ay virus o bacteria.

2. May tamang gamot para sa ubo. – Tinalakay din sa webinar ang iba’t ibang uri ng ubo at ang mga tamang gamot sa bawat sanhi nito, lalo na ngayon na pinapayuhan na mag isolate kaagad ang mga maysakit, kasama na ang agarang pag inom ng gamot. Ayon kay Doc Jondi, ang mga home remedies katulad ng pag-suob, pag-inom ng lagundi, honey, pag-mumog ng maligamgam na tubig na may asin at iba pa ay nakakatulong sa ibang tao para gumanda ang pakiramdam nila, pero hindi sila mga gamot sa ubo. Sila ay mga tinuturing na supportive care. Nilinaw ‘nya na may mga tamang gamot para sa iba’t ibang sintomas ng COVID-19 katulad ng antipyretic gaya ng paracetamol para sa lagnat at sakit ng ulo/katawan, antitussive o cough suppressant para sa dry cough, mucolytic katulad ng carbocisteine para sa ubo na may plema na hirap ilabas, at antihistamine para sa makating lalamunan.

3. Ang ubo ay kailangang magamot kaagad (ayon sa sanhi). – Ang sanhi ng ubo ay dapat raw malaman at malunasan kaagad, ayon sa dalubhasa. “Kapag virus, hindi kailangan ng antibiotic,” sabi ni Doc Jondi, “pero kapag bacterial infection, iyon ang kailangan na mayroong timely intervention,” dagdag pa niya. Hindi aniya dapat hinahayaang lumala ang ubo at dapat bantayan ang mga “danger signs” katulad ng hirap sa paghinga, pagbaba ng oxygen, dugo sa plema, at sintomas na hindi gumagaling. Kapag lumala ang ubo, nagkakaroon ng double-sickening at komplikasyon katulad ng pneumonia, kaya importante na magamot ito kaagad. Payo ni Doc Jondi, dapat ay kumain ng tama at uminom ng maraming tubig at magkaroon ng sapat ng pahinga. Mahalaga na magpabakuna, manatili sa pagsusuot ng face mask, at kumonsulta sa doctor para hindi lumala ang mga karamdaman. Makakatulong din ang pag-inom ng vitamins at mineral lalo na ang ascorbic acid at zinc sa mga panahong ito.

4. Ang ubo ay hindi side effect ng bakuna. – Nabanggit ni Doc Jondi na ang ubo ay hindi epekto ng bakuna base sa mga Phase 3 clinical trials para sa COVID-19 vaccines. Ang vaccine, paglilinaw ni Buensalido, ay sa balikat o sa muscle itinuturok kaya hindi ito dumadaan sa airway o sa baga ng tao kaya hindi ito magdudulot ng pag-ubo, maliban na lang kung ang pasyente ay may allergy sa bakuna. Aniya, sa panahon ngayon na matindi ang kalaban na virus, mas nakakatulong ang bakuna at pag-inom ng bitamina at tamang gamot para malunasan ang ubo.

Ang ginanap na etalk ay pinangunahan ng Solmux Advance with Zinc, na suportado naman na maraming non-government organizations. Ito ay ang una sa mga serye ng etalks na gaganapin sa taong ito.