(Apektado ng COVID–19) P23-B AYUDA SA WORKERS, BIZMEN

Rufus Rodriguez

TATLONG magkakahiwalay na panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng pamahalaan ng tulong pinansiyal ang mga manggagawa at negosyanteng apektado ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang inihain ng isang Min­danaoan congressman.

Sa kabuuan, nasa P23 bilyon ang nais ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na mailaan bilang pondo sa mungkahi niyang pagbibigay ng financial assistance.

Ayon sa mambabatas, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, bago pa man idineklara ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa buong Metro Manila sa ‘community quarantine’ ay naisumite na niya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tatlo niyang House bills.

Una sa mga ito ang pagtatakda ng P3 bilyon na budget para sa ayuda sa mga manggagawa, na pamamahalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Aniya, libo-libong empleyado ang nawalan ng trabaho kasunod ng pagkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa bansa, kabilang na rito ang 300 kawani ng Philippine Airlines (PAL), na dapat lamang aniyang mabigyan ng kaukulang tulong ng gobyerno.

“The manufacturing sector is taking a hit because it sources most of its raw materials from China, where the coronavirus originated. This is why it needs government assistance,” dagdag ni Rodriguez.

Sampung bilyong pisong pondo naman ang nais ng mambabatas na mailaan sa Department of Tourism (DOT) para maipantulong sa ‘tourist-oriented establishments’, na humina ang negosyo dala ng malaking pagbagsak sa bilang ng mga lokal at dayuhang turista.

Para naman sa iba pang negosyo, na grabeng tinamaan din ang operas­yon ng COVID-19, ay P10 bilyong budget din ang ipahahawak sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa sariling financial assitance program na gagawin nito.

“It is important that the government help distressed employees and businesses because COVID-19, aside from its health implications, affects jobs and businesses,” giit pa ni Rodriguez.

Dagdag niya, napa­panahong maipatupad ang mga panukala niyang ito dahil nakita naman ang pagiging seryoso ng sitwasyon sa ngayon, na nag­resulta sa pagrekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease na itaas sa Code Red Sub-Level Two (2) ang National Capital Region (NCR). ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.