MARAMING foreign manufacturing companies sa China na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nagbabalak na mag-expand ng kanilang operasyon sa Filipinas.
Ito ang inihayag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez III sa ginanap na press briefing kahapon sa Malakanyang.
Ayon kay Lopez, ang patuloy na pananatili ng COVID-19 ay lubhang makaaapekto sa supply chain, partikular sa mga kompanyang nasa Hubei province, kabilang na ang Wuhan City na siyang epicenter ng virus outbreak.
“There’s a realization, even by those huge brands, to reconsider their supply chain sources,” wika ni Lopez.
Naniniwala si Lopez na malaki ang tsansa na ang Filipinas ang maging alternatibong lokasyon para sa expansion ng naturang mga kompanya.
Sinabi ni Lopez na ang naturang mga kompanya na nagpahayag ng interes na mag-expnad ng kanilang negosyo ay mula sa auto, appliances at electronic sectors.
“They’re talking about expanding,” sabi pa ni Lopez.
Nabatid din kay Lopez na isang malaking manufacturer-exporter ang nagpahayag ng interes sa property na kinatatayuan ng Honda Cars Philippines, Inc. na nagdesisyon na isara ang kanilang manufacturing plant sa lalawigan ng Laguna.
Bagama’t hindi binanggit ni Lopez ang naturang kompanya, sinabi niyang nais nito na mag expand ng operasyon sa naturang area.
“The one which expressed interest now is not from the car industry,” dagdag pa ni Lopez.
Noong Pebrero 22 ay inanunsiyo ng HCPH na magsasara ang kanilang planta sa Sta. Rosa, Laguna simula sa Marso 25. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.