DAPAT umanong agad magbuhos ng pondo ang gobyerno sa mga karaniwang manggagawa o wage earners sa mga industriya na lubhang apektado ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Senadora Imee Marcos, chairman ng Senate economic affairs committee, hindi sapat ang huhugutin na P140 million emergency funds ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaya puwede ring kumuha sa Department of Budget and Management (DBM) at iba pang national agencies.
“Kahit pantawid-gutom man lang, kailangan ng compensatory packages ang mga ordinaryong wage earners na talagang mawawalan ng trabaho habang umaaligid pa itong COVID-19,” ani Marcos.
Binigyang-diin niya na tanging 7,000 trabahador ang makikinabang sa emergency funds ng DOLE kung bibigyan ng tig-P20,000 aid ang bawat isa, pero sa garment exports industry pa lang ay higit sa doble ang inaasahang masisibak dahil sa paghina ng kalakalan dulot ng COVID scare.
Ang Philippine garment export industry ay may 300,000 direct hires na empleyado kung saan nagpapatupad na ang ilang kompanya ng “temporary forced leaves” sa 5 porsiyento hanggang 10 porsiyento ng kanilang workforce dahil sa walang kasiguruhang supply ng raw materials mula sa China.
Tinaya pa ni Marcos ang pagkawala ng 1.4 million tourist arrivals hanggang Hunyo, 2020 kung saan aabot sa 30,000 hanggang 50,000 manggagawa ang mawawalan ng hanapbuhay base sa datos ng National Economic Development Authority (NEDA).
Dahil dito, hinikayat ni Marcos ang Department of Tourism (DOT) na mag-isip at magpatupad ng bagong marketing strategy sa promosyon ng do-mestic tourism para makahikayat ng foreign tourists.
“Hindi na uubra ‘yan. Naka-impose na ang community quarantine sa buong Metro Manila at maaari pa itong tumagal at lumawak sa buong bansa kung lumala ang paglaganap ng COVID-19,” diin ng senadora.
Ayon kay Marcos, dapat ilipat ng DOT ang pondo para sa marketing sa abroad upang maibsan ang retrenchment at pagkawala ng kita ng mga manggagawa sa tourism industry.
Tinukoy pa ni Marcos ang pagtaya ng Asian Development Bank na may 252,000 obrero ang masisibak sa mga pabrika, economic zones, tourism, at OFWs na hindi makalalabas ng bansa.
Umapela rin si Marcos sa NEDA at Department of Finance (DOF) na ‘wag ismolin ang mga numerong ito para makapagdesisyon agad si Pres. Duterte na maglaan ng emergency aid at stimulus packages na sasalba sa mga manggagawa na sapol ng epekto ng COVID-19 pandemic.
“Hindi magandang magplano sa magandang scenario. Mas magandang magplano sa worst-case,” giit pa ni Marcos. VICKY CERVALES