(Apektado ng pagsasara ng ilang casino, hotel)OFWs SA MACAU INAYUDAHAN

ofw

TULOY-TULOY ang pagkakaloob ng pamahalaan ng ayuda sa overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng pagsasara ng ilang casino at hotel sa Macau.

Ayon kay Consul General Porfirio Mayo Jr. ng Konsulado ng Pilipinas sa Macau, ilang Pinoy doon ang problemado dahil sa enforced leave without pay nang magsara ang ilang establisimiyento sa gitna ng banta ng COVID-19.

“Meron pong pinaabot na mga ayuda, sa mga food packs ‘no… Pero dahil po napakahirap nung distribution dahil limitado po at restricted ang galaw ng pati ng ating kawani sa konsulado, minabuti po ng ating konsulado na ipaano na lang ito, gawin na lang grocery vouchers,” sabi ni Mayo.

“So ang distribution ho mas madali pero kailangan ho magrehistro nung mga apekatado, ‘yung mga concerned affected workers natin,” dagdag pa niya sa panayam ng TeleRadyo.

Batay sa report, may 76 Pinoy sa Macau ang tinamaan ng COVID-19 nitong Hulyo ngunit wala namang naiuulat na namatay.