APEKTADO NG SHEAR LINE, BAGYONG KABAYAN LUMOBO SA 320K

UMAABOT na sa 322,768 indibidwal o 87,599 na bilang mga pamilya ang naapektuhan ng nagdaang bagyong Kabayan.

Batay sa pinakahuling talaan na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mula sa naturang bilang ay nasa 3,092 katao o 1,440 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa 25 evacuation centers habang 66 na mga pamilya naman o 292 indibidwal ang piniling manuluyan sa kanilang mga kaanak at kakilala.

Samantala, sa ngayon ay tatlong lugar pa rin sa Davao Region ang nakakaranas pa rin ng power interruption habang anim na lugar sa Caraga ang wala pa ring kuryente at isang lugar din sa rehiyon ang wala pa ring linya ng komunikasyon dahil pa rin sa epekto ng sama ng panahon.

Aabot din sa 1,387 na mga kabahayan ang napaulat na ‘partially damaged’ habang nasa 40 naman ang ‘totally damaged’ mula sa rehiyon ng Northern Mindanao, Caraga at MIMAROPA.

Ayon sa NDRRMC, sa ngayon ay umabot na sa kabuuang P2,538,168.40 na halaga ng tulong ang naipaabot ng pamahalaan para sa mga apektadong indibidwal ng shear line at tropical depression Kabayan. EVELYN GARCIA