SAMA-SAMANG nanawagan ang mga ahente ng online lottery kay Pangulong Rodrigo Duterte na muling buksan ang kanilang lotto outlets sa buong bansa upang maibalik ang mga karampatang tulong sa mga nangangailangan na umaasa sa charity funds.
Sa weekly Report to the Nation forum ng National Press Club (NPC), nakiusap si Nelson Santos, chairman ng Philippine Online Lottery Agents Association, Inc. (POLAI), sa pamahalaan na bigyang konsiderasyon ang mga mawawalan ng trabaho sa industriya ng lottery.
Naniniwala si Santos na nadamay lamang sila sa kontrobersiyal na small town lottery (STL) na may nangyayaring matinding katiwalian samantalang legal, aniya, ang pagpapatakbo sa kanilang lotto.
Sinabi naman ni POLAI President Evelyn Javier na hindi sila tumututol sa pagpapasara ni Pangulong Duterte sa lahat ng lotto outlets bunsod ng talamak na korupsiyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at iminungkahing isapribado na lamang ang lotto upang maiwasan ang katiwalian.
Aniya, todo ang suporta ng POLAI kay Pangulong Duterte laban sa matagal nang katiwalian sa ahensiya at hiniling na muling pag-aralan ng Pangulo ang naunang kautusan na pagpapasara sa lotto outlets.
Hiniling din niya na magpatawag ng diyalogo ang Pangulo upang maunawaan at maliwanagan ang mga hinaing ng lotto agents kasunod ang pahayag na handa silang makipagtulungan sa pamahalaan para matukoy ang mga nasa likod ng katiwalian sa naturang game.
Umaasa si Javier na mabibigyang-pansin ng Chief Executive ang kanilang panawagan na mabuksan ang kanilang pinagkakakitaang lotto outlets dahil karamihan, aniya, sa mga may-ari nito ay mga retiradong matatanda na hindi na makakapaghanap ng ibang trabaho. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.