BAGAMA’T aprubado sa mga senador ang unang 365 araw ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nais ng ilan sa kanila na makita siyang gumawa ng higit na aksiyon sa mga problema sa agrikultura.
Binigyan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ng eight out of 10 rating ang unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Marcos.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Zubiri ang pangangailangang tumuon sa pag-unlad sa kanayunan upang umunlad ang sektor ng agrikultura.
“I think he is doing a very fine job. If you ask me for a grade, 8 out of 10. Napakasipag niya from day one. He started his mandate running. Of course, he is being hounded by inflationary problems, problems of high cost of goods, food and fuel. Some of which are beyond his control,” ani Zubiri.
“I think, kailangan niyang ituloy tutukan ang agriculture sector.
Remember that rural development is the key to uplifting poverty. ‘Yung pinakamalaking poverty rates natin ay nasa rural areas which is basically 90 percent agriculture,” dagdag pa niya.
Iginiit din ng senador ang pangangailangang ayusin ang value chain sa agrikultura at palakasin ang farm to table program ng gobyerno para mapababa ang presyo ng pagkain.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel III, dapat magtalaga na si Marcos ng kalihim ng Department of Agriculture (DA).
“I believe PBBM can be greatly helped by the appointment of a regular Secretary of the Department of Agriculture,” aniya.
Pinuri rin ni Senador Robin Padilla ang mga pagsisikap ni Marcos sa kanyang unang taon sa panunungkulan, at sinabing ang mga programa ng administrasyon ay nakatuon sa pagpapalakas ng ekonomiya.
Ngunit umaasa ang mambabatas na ang Pangulo, bilang acting secretary ng DA, ay maisakatuparan ang mandato nito at matulungan ang mga magsasaka sa mga lalawigan.
“Sa Nueva Ecija, ang mga tao doon, inaasahan nila na darating ang panahon na ang DA ay ma-implement na nang tama ang mga mandato nila… ‘Yan ang sinasabi ng karamihan ng mga magsasaka — na sana magkaroon ng secretary. Pero ‘di natin alam kung ano ang nasa utak ni PBBM. Baka meron siyang grand plan na maging effective,” ani Padilla.
–LIZA SORIANO