(Apela ng agri group) PAGPASOK NG IMPORTED AGRI PRODUCTS TUTUKAN

NANAWAGAN ang isang agriculture group sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na higpitan pa ang pagmo-monitor sa pagpasok ng imported agricultural products sa bansa.

“Dapat tutukan ng DA at BOC ang mga pumapasok na agricultural product sa bansa,” wika ni Rosendo So, president and chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sa isang panayam sa radyo.

Ayon kay So, 10 porsiyento pa lamang ng smuggled onions ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Aniya, ang mga nasasabat na smuggled na sibuyas ay maliit kumpara sa kabuuan ng mga smuggled onion na pumasok sa bansa.

Magugunitang may P3.9 million na halaga ng umano’y smuggled white onions ang nakumpiska kamakailan ng mg awtoridad sa Divisoria sa Maynila.

Hinikayat din ni So ang mga awtoridad na sampahan ng kaukulang mga kaso ang mga smuggler, gayindin ang mga broker.

“Ang problema, for the past year, hindi nasampahan ng kaso ang ilang smuggler,” dagdag pa ni So.

May ilang importers din, aniya, ang nagmi-misdeclare ng kanilang mga produkto para makapasok ang ipinuslit na agricultural products sa bansa.