(Apela ng agri groups sa gobyerno)KAMPANYA VS AGRI SMUGGLING PAIGTINGIN

NANAWAGAN ang agriculture stakeholders sa pamahalaan na paigtingin ang kampanya nito kontra agri smuggling sa bansa.

Sa isang statement ay inihayag ng United Broiler Raisers Association (UBRA) at Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang kanilang pagkabahala sa patuloy na paglaganap ng agricultural smuggling.

Sinabi ni UBRA chairman Gregorio San Diego na ang importasyon at smuggling ang responsable sa pagbaba ng local chicken production.

“Smuggling, especially what we are seeing now being done openly without anyone being caught discourages local producers to the maximum,” sabi ni San Diego.

Sa kanyang panig ay sinabi naman ni SINAG president Rosendo So na ang misdeclaration at outright smuggling ay patuloy na nakapapasok sa bansa.

Ayon kay So, sa nakalipas na anim hanggang walong linggo, ang SINAG ay sumama sa counter intelligence team ng Department of Agriculture (DA) sa iba’t ibang entry ports tulad ng Manila at Subic.

Ang mga operasyon ay nagresulta, aniya, sa pagkakatuklas ng agricultural products na ipinupuslit sa bansa.

Binigyang-diin ni So ang pangangailangan ng pagsasagawa ng first border inspection upang masugpo ang smuggling.