UMAAPELA sa Bureau of Immigration (BI) ang ibat-ibang airline companies na pangalanan ang sinasabing airline personnel na sangkot sa human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Itoy matapos magpalabas ang Bureau of Immigration (BI) ng report tungkol na sangkot ng isang airline personnel sa pagpa-facilitate sa departure ng isang Overseas contract Workers (OFW) palabas ng bansa.
Batay sa report, isang OFW na biktima ng human trafficking ang na-intercept ng Immigration Officer sa NAIA Terminal 3 nitong Abril 5 dahil sa pekeng immigration stamp.
At kalaunan inamin nito sa isinagawang ‘question and answer’ na tinulungan siya ng kanyang dating officemate na isang airline employee upang pumila sa immigration departure counter pagkabigay ng kanyang boarding pass at fake BI departure stamps ng kanyang handler.
Batay sa impormasyon, nangyari ang insidente nitong Abril 5 habang pasakay ang biktima sa kanyang flight papuntang Kuala Lumpur bago tumuloy sa United Arab Emirates.
Kaugnay nito, kinondena ng ilang airline company ang naging pahayag ng Immigration dahil ito ay isang pagyurak sa karapatan ng isang airlines company kung kaya’t umaapela ang mga ito na pangalanan ang empleyado ng airline na sangkot sa naturang kaso. FROILAN MORALLOS