Nanawagan si Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) acting president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa mga pinunong pastol ng mga diyosesis sa buong bansa na tugunan ang pangangailangan at bigyang-suporta ang mga pari lalo na ngayong may pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y kasunod ng mga ulat na nagpatiwakal ang ilang lingkod ng simbahan sa Apostolic Vicariate ng Calapan, Mindoro at Diyosesis ng Antipolo.
Hinimok naman ni David ang kanyang mga kapwa obispo na tulungan ang mga pari na nasasakupan upang maiwasan ang pagkalungkot at depresyon.
“I am also calling on my brother Bishops na alalayan din natin ang mga pari natin lalo na ngayong panahon ng pandemya,” ayon kay David, sa panayam sa church-run Radio Veritas.
Aminado si David na hindi ligtas ang mga pari sa kalungkutan sapagkat mga tao rin ito na maaring makaranas at mabiktima ng mental health issues dulot ng pagkabalisa, trauma at iba pang sanhi ng depresyon.
Inihayag pa ng Obispo na may mga pari na nalulungkot at apektado sa krisis pangkalusugang dulot ng corona virus pandemic sapagkat hindi nagagawa ang tungkulin bilang pastol ng simbahan dahil na rin sa mga limitasyong ipinatutupad upang makaiwas sa pagkahawa.
“Many of them are also very vulnerable; I know some of them feel depressed and very guilty dahil hindi sila makalabas and they cannot attend to their pastoral duties,” anang CBCP official.
Dahil dito, hinihikayat din naman ni David ang mga lingkod ng simbahan na maging malikhain sa pag-abot sa mga parishioner gamit ang makabagong teknolohiya sa tulong ng internet at social media.
Naunang sinabi ni Reverend Father Dan Cancino, ang executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care na mahalagang pagtuunan din ng pansin ng lipunan ang pangangalaga sa mental health lalo ngayong panahon ng pandemya.
Batay naman sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), aabot lamang sa 33 ang suicide-related calls mula noong Enero hanggang Marso ngayong taon, ngunit nadagdagan ito at umabot na sa 115 tawag noong Hulyo.
Samantala, hinimok din ni Radio Veritas anchor priest Fr. Victor Sadaya, CMF, executive director ng Porta Coeli Center for Psychotrauma Management ang simbahan na magkaroon ng programang pangkalusugang mental para sa mga pari at lumikha ng support group.
Ipinakita naman sa Social Weather Station survey noong Hulyo na 84 porsyento ng mga Filipino ay nakararanas ng stress dahil sa COVID-19 pandemic. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.